ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | January 18, 2021
Salaminin natin ang panaginip ni Eva na ipinadala sa Facebook Messenger.
Dear Professor,
Madalas akong umiiyak sa panaginip ko na parang totoo tungkol sa relasyon namin ng fiancée ko. Ano ang ibig sabihin nito?
Ang isa ko pang panaginip ay ang isang dangkal na alupihan ay hinahabol ko para patayin at napatay ko ‘yun. Ano ang ibig sabihin ng alupihan sa panaginip?
Naghihintay,
Eva
Sa iyo, Eva,
Alam mo ba kung bakit sa panaginip mo ay umiiyak ka? Ito ang katotohanan kung bakit naiiyak sa panaginip. Tanggapin mo ang katagang “The truth will set you free,” kumbaga, kapag natanggap mo ang katotohanan, sasaya at liligaya ka, gayundin, hindi ka na maiiyak pa.
Nagkukunwari kang malakas, nagkukunwari kang kaya mo ang mga problema mo, nagkukunwari kang iba ka sa lahat. Ito ang nangyayari sa iyo sa tunay na buhay dahil ayaw mong ipakita sa iyong fiancée at mga tao na ikaw ay mahina.
Kahit sa totoo lang, hirap na hirap ang iyong kalooban kung saan ikaw ay labis na nasasakal sa nangyayari sa iyong love life. May panahon ang lahat ng bagay, iha. Ito ay batas ng kapalaran na hindi kayang labanan ng sinuman.
Narinig mo na ba ang ang lumang aral sa buhay, pero hanggang ngayon ay talab pa rin na paulit-ulit na nararanasan ng bawat tao? Ito ay ang sinasabing “May panahon ng pag-iyak at panahon ng pagtangis,” kung saan sa buhay mo ngayon, kasalukuyan nang nagaganap ang nasabing panahon.
Narinig mo na rin ba na nahihinog ang mga pangyayari tulad ng pagkahinog ng mga prutas? Ibig sabihin, hinog na ang panahon para mapasaiyo ang panahon kung saan dapat kang maiyak. Pero pilit mong nilalalaban dahil muli, nagkukunawari kang malakas, pero sa totoo lang, ikaw ay mahina.
Dahil hindi naman naaawat ang takbo ng mga panahon, wala ka ring magagawa para labanan ang panahon ng pagtangis at dahil kailangang ito ay mangyari, sa panaginip, tiyak na maiiyak ka.
Nagbababala ang nararanasan mo na lalo mong pinahihirapan ang iyong sarili, kaya ang payo ay nagsasabing umiyak ka nang umiyak. Kung ayaw mong makita ninuman ang pag-iyak mo, pumasok ka sa isang silid o CR at doon ka umiyak nang umiyak.
Narinig mo rin ba na sa pag-iyak ng tao ay gumiginhawa ang kanyang pakiramdam at kapag maginhawa ang pakiramdam ng tao, ang mga solusyon sa bagay na nagpapagulo sa kanyang isip ay isa-isang maglalabasan? Oo, masosolusyunan mo na ang mga gumugulo sa isipan mo na nagsasabing, lalaya ka sa mga nagpapahirap sa sarili mo.
Ang alupihan sa panaginip ay nagbababala ng sakit o karamdaman na sanhi ng mikrobyo na papasok sa katawan ng tao. Dahil dito, ikaw ay pinapayuhan na palakasin ang iyong immune system dahil kapag malakas ang resistensya ng isang tao, hindi siya tatablan ng masamang epekto ng nakapasok na mikrobyo sa kanyang katawan.
Hanggang sa muli,
Professor Seigusmundo del Mundo