ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | February 27, 2021
Salaminin natin ang panaginip ni Maribeth na ipinadala sa Facebook Messenger.
Dear Professor,
Ano ang ibig sabihin ng panaginip na bagong sapatos na itim, pero hindi naman kasya sa akin?
Naghihintay,
Maribeth
Sa iyo, Maribeth,
Sa panaginip mo, mukhang may lakad ka na pormal, as in, hindi sa barkada at hindi rin sa simpleng pamamasyal lang. Bago ka mag-isip kung saan ang iyong lakad, mas magandang malaman mo na ang kulay na itim ay kulay ng “to the extreme”, ‘yun bang sobrang tindi, push o nakatodo na talaga ang lakas.
Alam mo, ayon sa aklat na isinulat ni Og Mandino sa kanyang bestselling book, may isang pormula ng tagumpay na nagsasabing, ibigay mo nang todo ang anumang kaya mo at makakaasa ka na hindi ka mabibigo.
Ang ganda, ‘di ba? Ang ganitong payo ay maririnig mo rin sa mga life coaches na nagsasagawa ng mga seminar tungkol sa pagpapayaman at kung paano magtatagumpay sa buhay.
Ang pahabol na paliwanag ay nagsasabing, kapag sagad ang iyong pagsisikap at hindi inaasahang nabigo ka, tiyak na ang iyong pupuntahan ay maganda pa rin, ‘yun nga lang, hindi 100% ang mapasasaiyo.
Ipinapayo rin ito ng mga professor o guro at iba pa sa larangan ng pag-aaral na ang ibig sabihin, itodo mo ang pagre-review mo, kumbaga, you must aim the top at kapag hindi mo ito naabot, eh ‘di mataas pa rin ang grades mo. Hindi ba, puwedeng-puwede ito sa mga magte-take ng board exam?
Sa iyo, puwede rin kaya ang nasabing payo?
Ang sagot ay hindi. Huwag mong subukan dahil ayon sa panaginip mo, hindi pa ngayon ang panahon upang itodo ang iyong lakas o kung anuman ang kaya mo.
Bakit? Dahil may isa pang pormula ang mga life coaches na nagsasabing, “You must know your limits,” dahil kapag sumagad ka, puwede kang magkasakit at sa halip na sumaya ka, malulungkot ka pa, gayundin, imbes na magtagumpay ka, ang kauuwian mo ay ang masaklap na kabiguan.
Muli, hindi ngayon ang panahon upang i-apply sa iyong buhay ang sinasabing “Gawin mo ang lahat ng kaya mo na para bang wala nang bukas at kung magising ka na may umaga pa, lumuhod ka at magpasalamat kay Lord.”
Hanggang sa muli,
Professor Seigusmundo del Mundo