ni Mary Gutierrez Almirañez | April 30, 2021
Tatlong-daang libong trabaho ang naghihintay sa mga empleyadong nawalan ng hanapbuhay sa muling pagbubukas ng ilang establisimyento sa extended modified enhanced community quarantine (MECQ) sa National Capital Region (NCR) at mga kalapit nitong lalawigan, batay kay Department of Trade (DTI) Secretary Ramon Lopez ngayong araw, Abril 30.
Kabilang ang mga resto, barbershop, salon at spa sa magbabalik-operasyon, kung saan may 10% dine-in capacity para sa mga restaurant at 30% capacity naman sa mga beauty salon, barbershop at spa.
Ayon pa kay Lopez, "Kahit papaano, makakadagdag ng trabaho... para maibalik man lang ‘yung trabaho nu’ng marami nating nagugutom na kababayan."
Ngayong araw din ay na-finalize na ng Inter-Agency Task Force (IATF) for the Management of Emerging Infectious Diseases ang mga lugar na isasailalim sa MECQ simula May 1 hanggang May 14, kabilang ang mga sumusunod:
Abra
Ifugao
Santiago City, Quirino
Metro Manila
Bulacan
Cavite
Laguna
Rizal
Samantala, iniakyat naman sa mas maluwag na quarantine classifications o general community quarantine (GCQ) hanggang sa katapusan ng Mayo ang mga sumusunod pang lugar:
Apayao
Baguio City
Benguet
Kalinga
Mountain Province
Cagayan
Isabela
Nueva Vizcaya
Batangas
Quezon
Puerto Princesa City
Tacloban City
Iligan City
Davao City
Lanao del Sur
Sa ngayon ay umakyat na sa 1,028,738 ang kabuuang bilang ng COVID-19, kung saan 69,354 ang active cases, mula sa 8,276 na nagpositibo kahapon.
Nananatili namang Quezon City ang may pinakamataas na kaso sa buong NCR.