ni Mary Gutierrez Almirañez | May 31, 2021
Nagkasundo ang 17 Metro Manila mayors na panatilihin sa general community quarantine (GCQ) ang buong NCR Plus sa pagtatapos ng umiiral na heightened GCQ ngayong araw, May 31.
Ayon kay Metro Manila Council (MMC) Chairman at Parañaque Mayor Edwin Olivarez, "Ang recommendation ng Metro Manila Council ay GCQ pa rin po tayo pero may kaunting pagbubukas ng kaunting negosyo."
Paliwanag niya, "'Di po tayo puwede mag-relax. Alam po nating bumababa ang cases at utilization ng healthcare pero ‘di po tayo kailangang mag-relax para totally ma-contain ang COVID na ito."
Sa ngayon ay kani-kanyang pakulo na ang bawat local government units (LGU) upang mahikayat ang publiko na magpabakuna kontra COVID-19.
"Ang ibang LGU, nag-umpisa nang magpa-raffle para ma-encourage... Pinag-uusapan po para uniform ang policy," sabi pa ni Olivarez.
Kaugnay nito, inaasahan na ring magsisimula ngayong Hunyo ang vaccination rollout sa mahigit 30 million economic frontliners at essential workers na nasa ilalim ng A4 priority list.
Giit pa ni Department of Labor and Employment (DOLE) Assistant Secretary Ma. Teresita Cujueco, "Isinama na ang private workers who go out of their residences, who physically have to report to work, all government employees. Nandu’n din po ang informal sector and self-employed who go out of their residences."
Sa kabuuang bilang nama’y 5,120,023 indibidwal na ang mga nabakunahan kontra COVID-19. Kabilang dito ang 1,189,353 na fully vaccinated at ang 3,930,670 na nabakunahan ng unang dose.