top of page
Search

ni Ronalyn Seminiano Reonico | August 28, 2021



Handang magbitiw sa puwesto si Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III kapag nalinaw o naaksiyunan na ang report ng Commission on Audit (COA) sa naturang ahensiya, ayon sa pahayag ng opisyal ngayong Sabado.


Saad ni Duque sa isang panayam, “‘Yun naman ang aking pakiusap na bigyan ako ng panahon na i-clear ang mga COA findings, COA observations, at ang aming action plan doon sa mga recommendations and then I am leaving. I just want to clear.”


Ayon kay Duque, nakipag-ugnayan na rin siya sa mga opisyal ng DOH regional offices, DOH hospitals, at mga treatment rehabilitation centers sa bansa kaugnay ng naturang isyu.


Aniya pa, “Ang lahat ng mga COA findings patungkol sa DOH kasi… Malaki kasi ang DOH. ‘Yung mga COA findings na ‘yan, saklaw niyan ‘yung mga 16 regional offices across the country, ‘yung 65 na mga hospitals, ‘yung mga treatment rehabilitation centers. Lahat ng mga ‘yan, may mga hepe ‘yan. May mga kani-kanyang directors. So lahat ‘yan, akin nang mga kinausap na ‘Dapat ito, ayusin ninyo’ na dapat lahat ng mga COA findings… lahat ng kanilang mga deficiencies na… before… dapat tugunan ‘yan lahat. Hindi naman kasi ‘yan parang ako lang lahat ang gagawa.”


Nang matanong naman kung ano ang maituturing na legacy ni Duque bilang hepe ng DOH kung sakaling ituloy niya ang pagbibitiw sa puwesto, aniya, “Well, ang maituturing kong legacy sa Kagawaran ay ako ‘yung kalihim sa panahon ng pandemyang ito na talagang… sa 100 taon, ‘di ba ‘yung last natin, 1918, ‘yung Spanish flu pandemic. So, ito naman sa panahon natin ay ang COVID-19 pandemic na ako ‘yung naging kalihim at huhusgahan ako ng taumbayan kung tama ba 'yung ginawa ko, kung ‘yung bilang ng mga namatay ba ay napakalaki, pareho ba ng ibang bansa na daang libo, halos isang milyon ang mga namatay.


"Eh, sa atin naman, kahit na papaano, mismong si Senator [Richard] Gordon na nagsasabi na ang death rate natin ay mababa compared sa ibang bansa.


“So, let the people be the judge. Pero ‘yung judgment na 'yan, unfortunately ‘di puwedeng dumating ‘yan ngayon. Matagal pang lalabas ‘yang judgment na ‘yan kapag halimbawa naayos na natin ang herd immunity, ang vaccination ng lahat ng mamamayan at maging common cold na lang ang COVID-19.


"Ibig sabihin ay malaki ang papel na aking ginampanan diyan, lalung-lalo na ang papel na ginampanan ng DOH.”


Aniya, alam naman ni Pangulong Rodrigo Duterte ang balak niyang pagbibitiw sa puwesto.


Saad pa ni Duque, “It’s a matter of time. ‘Yun naman talaga ang hiningi ko. Sabi ko I’m stepping down dahil ito na nga… pero bigyan lang ako ng kaunting panahon para maayos namin ng DOH ang lahat ng mga COA observations and findings.”


Diin pa ni Duque, wala ni isang kalahating sentimo siyang kinuha mula sa kaban ng bayan.


 
 

ni Ronalyn Seminiano Reonico | August 14, 2021



Siniguro ng Department of Health (DOH) na sapat ang suplay ng oxygen sa bansa ngunit ayon kay Secretary Francisco Duque III, posible umanong magkaroon ng kakulangan sa suplay ng tangke.


Aniya sa isang panayam, “Okay naman (ang oxygen supply) kasi palagi kaming nagpupulong ni Secretary Ramon Lopez ng DTI dahil siya ang nakikipag-ugnayan sa mga oxygen manufacturing companies.


“Ang sinasabi nila nu’ng huli kaming nag-usap, kung 203 tons of oxygen per day ang nagagamit, kaya nilang triplehin o kaya nilang gawing 605 tonnage per day ang isu-supply nila.”


Samantala, nanawagan din si Duque sa publiko na huwag mag-hoard ng mga oxygen tanks dahil posible umanong magkaproblema sa suplay ng mga tangke.


Aniya pa, “Inaantay ko pa rin ang pag-aangkat ng karagdagang tangke na walang kargang oxygen. ‘Yung tangke lang. Kasi ‘yung oxygen, meron, eh. Pero baka sa tangke, magkaproblema.”


Samantala, panawagan din ni Duque sa publiko, “Nananawagan ako sa ating mga kababayan na huwag kayong mag-hoard ng mga oxygen, unless meron kayong prescription ng mga doktor. Hayaan n’yo po 'yung mga tangke na umikot, hindi puwedeng nakaistasyon sa bahay ninyo ang mga tangke. Kailangan pong may sirkulasyon ang mga tangke na tuluy-tuloy na kapag naubos, ire-refill.”

 
 

ni Mary Gutierrez Almirañez | June 3, 2021




Pinalagan ni Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III ang rekomendasyon ni Manila Mayor Isko Moreno sa national government na huwag nang gawing mandatoryo ang pagsusuot ng face shield kontra COVID-19.


Ayon kay Duque, “Okay ang mungkahi ni Mayor Isko kung malaki na (ang) vaccination coverage natin.”


Paliwanag pa niya, “Hindi pa puwedeng tanggalin ang face shield policy for now when our two-dose vaccination coverage is a little over 2% due to still inadequate vaccine supply.”


Giit naman ni Mayor Moreno, "Tayo na lang yata sa buong mundo ang nagre-require ng face shield sa kalsada. Dapat pag-isipan ulit ito. Marami na tayong natutuhan. We should adjust."


Matatandaang naging mandatoryo sa ‘Pinas ang pagsusuot ng face shield at face mask bilang proteksiyon ng publiko laban sa lumalaganap na virus.


“There are many scientific studies showing that face shields in combination with face masks and more than 1 meter social distancing provide a greater than 95% protection,” sabi pa ni Duque.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page