top of page
Search

ni Ronalyn Seminiano Reonico | August 9, 2021



Ipinag-utos ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang imbestigasyon sa insidente ng pamamaril sa isang curfew violator na hinihinalang may problema sa pag-iisip sa Tondo, Manila.


Pahayag ni DILG Spokesperson Undersecretary Jonathan Malaya, “Iniimbestigahan na po natin ang report na ito. Ang Philippine National Police (PNP) ay inatasan na po ni Secretary Eduardo Año upang alamin ang puno't dulo nito.”


Noong Sabado, naiulat na binaril ni Barangay Peace and Security Officer Cesar Panlaqui ang 59-ayos na curfew violator sa Tayuman. Dead on the spot ang biktima matapos tamaan ng bala ng baril sa dibdib.


Ayon sa ulat, may dalang laruang baril ang biktima nang mangyari ang insidente.


Noong Linggo naman nang umaga, inaresto si Panlaqui at narekober din ang revolver ng suspek.


Ayon sa awtoridad, hindi umano dokumentado at walang serial number ang baril ng suspek.

 
 

ni Lolet Abania | August 6, 2021



Inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pondo para sa pag-rehire sa 15,000 contact tracers na tutulong sa gobyerno para tugunan ang COVID-19 response hanggang sa katapusan ng 2021, ayon kina Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año at Senador Bong Go ngayong Biyernes.


Sa isang statement, sinabi ni Año na ang pag-apruba ni Pangulong Duterte sa naturang pondo ay makatutulong sa mga local government units (LGUs) para patuloy na maresolbahan ang mga kaso ng COVID-19 sa kani-kanilang lokalidad.


“On behalf of our local government units (LGUs), lubos kaming nagpapasalamat kay Pangulong Duterte sa karagdagang pondo para magpatuloy ang serbisyo ng [15,000] contact tracers,” ani Año.


Sa hiwalay na pahayag, sinabi naman ni Go na ang mga kontrata ng karagdagang mga contact tracers ay nagsimula na noong Agosto 2.


Gayundin, ang gagastusin ng gobyerno sa pagkuha ng mga bagong contact tracers ay umabot sa tinatayang P1.7 bilyon.


“Our contact tracers play an important role in managing the pandemic and not squandering the chance for early preparation,” sabi ni Go.


Noong Hulyo 23, nagpadala ng liham si Año sa Pangulo na humihiling sa karagdagang P1.7-billion budget para mapalawig ang serbisyo ng mga contact tracers nang hanggang Disyembre 2021. Ang mga kontrata ng mga ito ay mag-e-expire ngayong buwan.


Ayon kay Año, sakaling ang serbisyo ng 15,000 contact tracers ay mag-expire, ang kabuuang bilang sa buong bansa ng mga contact tracing personnel ay mababawasan ng tinatayang 13%, kung saan ang magiging operational capacity na lamang nito ay 72% na taliwas sa ideyal na bilang nito.


Sa House hearing noong Miyerkules, binanggit naman ni contact tracing czar at Baguio City Mayor Benjamin Magalong na ang kakulangan sa pondo para sa contract renewal ng mga contact tracers ang “pangunahing isyu at malaking problema” na kinakaharap ng pamahalaan.


 
 

ni Ronalyn Seminiano Reonico | August 6, 2021



Umapela si Manila Mayor Isko Moreno sa inihaing show cause order ng Department of the Interior and Local Government (DILG) laban sa kanya dahil nabigo umano ang lokal na pamahalaan sa laban kontra droga batay sa kanilang pagsusuri sa 2018 Anti-Drug Abuse Council performance audit, gayung naging alkalde lang ng Manila si Mayor Isko noong taong 2019.


Kaagad na nag-post si Mayor Isko sa kanyang Facebook page ng screenshot ng isang pahayagan kaugnay ng naturang isyu at aniya, “Wow, galing, ha! Sunud-sunod na! #AlamNaThis.”


Binawi naman ni Secretary Eduardo Año ang naturang show cause order at ayon sa kanya, para ito sa dating alkalde ng Manila.


Saad pa ni Año, "That show cause order was intended for the past mayor since the performance audit was for year 2018 while Mayor Isko assumed only in June 2019.


"The show cause order has been recalled and Mayor Isko does not have to answer it.”

 
 
RECOMMENDED
bottom of page