top of page
Search

ni Lolet Abania | December 23, 2020




Nararapat lang na patawan ng parusang kamatayan ang mga police officers na nakagawa ng heinous crimes sakaling maibalik na ang capital punishment sa bansa, ayon sa pahayag ni Department of Interior and Local Government Sec. Eduardo Año.


"Kung mayroon nga lang tayong death penalty, gusto ko 'yung mga pulis na siyang nagpapatupad, eh, siyang lumalabag ng ganyang heinous crimes, eh, talagang death penalty para sa akin, 'yun ang parusa dapat," sabi ni Año sa isang interview ngayong Miyerkules.


"Para sa akin, ang death penalty, puwedeng i-impose sa drugs, 'yung mga drug lord, drug syndicates at dito sa mga heinous crimes na ginawa ng mga pulis or men in uniform na dapat magpatupad, eh, sila 'yung gumawa ng heinous crime, dapat death penalty 'yan..." dagdag ng kalihim.


Muling nabuksan ang tungkol sa death penalty matapos ang insidente ng pamamaril at pagpatay sa mag-ina sa Paniqui, Tarlac ng suspek na si Jonel Nuezca, isang pulis na naka-assign sa Parañaque City Police's Crime Laboratory.


Ayon sa Malacañang, ang muling pagbuhay sa death penalty ay nakasalalay sa Kongreso kung saan ilan sa mga mambabatas ay nagpahayag ng suporta tungkol dito.


Matatandaang nagkaroon ng alitan si Nuezca at ang kapitbahay na si Sonya Gregorio at anak nito na si Frank Antonio Gregorio na nagtapos sa malagim na kamatayan dahil sa pagbaril sa ulo nang dalawang beses sa mag-ina ng nasabing pulis.


Naiulat na si Nuezca ay nasampahan din ng criminal at administrative cases at idinemote sa kanyang mga unang taon sa serbisyo ng National Police Commission mula sa pagiging senior master sergeant ay naging police master sergeant dahil sa kaso ng extortion noong 2014.


Nahaharap sa kasong 2 counts ng murder si Nuezca dahil sa insidente ng pamamaril sa Tarlac.

 
 

ni Thea Janica Teh | November 13, 2020




Umabot na sa 39 katao ang namatay at 12 pa ang pinaghahanap dahil sa Bagyong Ulysses na tumama nitong Miyerkules sa Pilipinas.


Sa press briefing ni Presidential Spokesperson Harry Roque ngayong Biyernes kasama ang iba pang Cabinet officials, sinabi na umabot na sa 14 katao ang namatay batay sa naitala ng mga local government units (LGU).




Ngunit, agad na nag-update ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at sinabing nakapagtala na sila ng 39 namatay at 12 pa ang nawawala.


Sa parehong press briefing, ibinahagi ni Interior Secretary Eduardo Año na umabot sa 38,500 indibidwal ang na-rescue.


Ang Bagyong Ulysses ang ika-8 bagyo na tumama sa bansa sa nakalipas na 2 buwan at ika-21 sa taong 2020. Ito ay sumunod sa Bagyong Rolly na ikinamatay naman ng 25 katao at ikinasira ng libu-libong bahay sa Bicol Region.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page