ni VA - @Sports | April 28, 2022
Dahil sa iniindang injury sa kanyang kaliwang balikat,hindi isinama sa national boxing team na sasabak sa 31st Southeast Asian Games si Tokyo Olympics silver medalist Carlo Paalam.
Sa halip, pinalitan siya ni Rogen Ladon, ang kanyang naging sparring partner noong nakaraang Tokyo Games na siyang nasa kondisyon upang sumabak sa laban. "Bigayan lang kami, noong nasa Tokyo kami tinulungan niya ako. Siya ang naging sparring partner ko. Ngayong siya ‘yung nasa top form para sa SEAGames, ako naman ang tutulong sa kanya," ani Paalam.
Kasalukuyan ngayong magkakasama ang mga national boxers na nagsasanay sa training camp nila sa Thailand. Parehas ng weight class sina Ladon at Paalam. Kapapanalo lang ng 28-anyos na si Ladon ng flyweight gold sa nakaraang Thailand Open kasama ng mga kapwa SEA Games bound na sina women’s lightweight Risa Pasuit at middleweight Hergie Bacyadan.
Magpo-focus na lang si Paalam sa darating na Hangzhou 19th Asian Games na idaraos sa Setyembre at sa posibleng isa pang stint sa Paris 2024 Olympics. Ayon kina Association of Boxing Alliances in the Philippines Secretary General Marcus Jarwin Manalo at Australian training director Don Abnett, pagkakataon na ni Ladon na magpakitang gilas sa Hanoi. “Carlo (Paalam) is not ready to compete yet while Rogen Ladon is in good form,” ani Abnett. “Rogen has been performing well in training and sparring since the start of the year,” wika naman ni Manalo. “He also won gold in the Thailand Open while Carlo is still catching up with his conditioning.” Ang iba pang sasabak sa SEAGames ay sina Tokyo Olympics bronze medalist Eumir Felix Marcial (middleweight), Ian Clark Bautista (featherweight), James Palicte (light welterweight) at Marjon Piañar (welterweight) sa men's division at sina light flyweight Josie Gabuco, flyweight Olympian Irish Magno, featherweight Nesthy Petecio, Pasuit at Bacyadan naman sa women's.