top of page
Search

ni Mai Ancheta | June 1, 2023




Tatlo ang patay sa karambola ng mga sasakyan sa SCTEX o Subic-Clark-Tarlac Expressway na sakop ng Mabalacat, Pampanga nitong Miyerkules.


Batay sa inisyal na imbestigasyon ng Mabalacat Police, isang pick-up truck mula sa Northbound ang sumampa at lumipat sa Southbound lane dahilan para araruhin ang mga kasalubong na mga sasakyan.


Unang sinagasa ng pick-up truck ang sasakyan ni Gerry Valerio at sumunod ang kotse ng mga namatay na biktima at nahagip din ang isang pampasaherong bus.


"Pagpreno niya po, gumewang, na-out of control, tumilapon talagang lumipad siya," ani Valerio.


Ang mga nasawing biktima ay sakay ng kotse na halos nagmistulang pinitpit na lata dahil sa salpukan at naisugod pa sa Mabalacat District Hospital.


Apat ang sakay ng kotse at tatlo sa mga sakay ang nasawi dahil sa matinding tama sa aksidente.


Sinabi naman ng suspek na si Jeff Ace Paguia na malakas ang ulan noong maganap ang insidente at itinangging mabilis ang kanyang pagpapatakbo sa sasakyan.


Nasa kustodiya na ng mga otoridad ang suspek.


 
 

ni Lolet Abania | May 28, 2022



Inanunsiyo ng North Luzon Expressway (NLEX) Corporation, operator ng Subic Clark Tarlac Expressway (SCTEX) ang pagpapatupad ng toll rate adjustment nito matapos na aprubahan ng Toll Regulatory Board (TRB).


Sa isang statement ngayong Sabado, sinabi ng NLEX Corp. na inawtorisa na ng TRB ang implementasyon ng karagdagang P0.78 kada kilometro para sa mga motorista na gagamit ng SCTEX. Ang adjusted toll rates ay magiging epektibo simula Hunyo 1, 2022.


Sa ilalim ng bagong toll matrix, ang mga motoristang may Class 1 vehicles na bibiyahe between Mabalacat City at Tarlac ay magbabayad ng dagdag na P31.00. Para sa mga Class 2 vehicles na bibiyahe ng parehong ruta ay may dagdag na P61.00, habang para sa Class 3 vehicles naman may dagdag itong P92.00.


Samantala, may karagdagang P49.00, P98.00, at P147.00 ang charged sa mga motorista na may Class 1, 2, at 3 vehicles, ayon sa pagkakasunod, na bibiyahe between Mabalacat City at Tipo, Hermosa, Bataan, kung saan malapit ito sa Subic Freeport. Ayon sa NLEX Corp., “The toll hike followed regulatory procedures and underwent thorough review.


The increase also confirmed the periodic rate adjustments due in 2017.” “To support the public utility buses (PUBs) cope with the adjustment, they will be provided toll subsidies and allow them to continue to enjoy the old rates for the next three months,” sabi pa ng kumpanya. Ang NLEX Corp. ay subsidiary ng Metro Pacific Tollways Corp.


 
 

ni Thea Janica Teh | November 23, 2020




Magtataas na ng singil sa toll fee sa North Luzon Expressway (NLEX) simula Nobyembre 25 nang 12:01 AM.


Para sa mga class 1 o regular car at Sports Utility Vehicles (SUVs), P4 ang idagdag sa flat rate nito sa pagpasok sa mga ‘open system’ kabilang ang Quezon City, Caloocan City, Valenzuela City, Malabon City, Navotas City at Meycauayan at Marilao, Bulacan.


Samantala, P10 ang idaragdag sa mga bus at small trucks at P11 naman para sa mga malalaking sasakyan sa ‘closed system’ na nagsisimula sa Bocaue, Bulacan hanggang Sta. Ines interchage at connection sa Subic-Clark-Tarlac Expressway (SCTEX). Ito ay itinaas sa 6 centavos per kilometer.


Kaya naman, para sa end-to-end travel mula Metro Manila hanggang Mabalacat, Pampanga, aabot sa P9, P20 o P25 ang dagdag-singil sa toll fee depende sa vehicle type na gamit.


Ang pagtaas ng toll fee ay sanhi ng pagbubukas ng NLEX Harbor Link segment, ang elevated extension ng expressway sa pagitan ng Caloocan Interchange at C3 Road at Navotas Interchange sa tabi ng Mel Lopez Boulevard. Ito ay nagkakahalaga ng P7 bilyon na binuksan noong Hunyo 15 at kasalukuyan nang dinaraanan ng halos 30,100 vehicles kada araw.


Dahil dito, nasa 20 minuto na lamang ang biyahe mula Mindanao Avenue toll plaza hanggang Port Area sa Maynila.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page