ni Mylene Alfonso | March 29, 2023
Panahon na upang maibalik ang summer vacation sa buwan ng Abril hangang Mayo lalo na ngayong bumabalik na sa normal ang sitwasyon.
Ito ang reaksyon ni Senador Win Gatchalian matapos isugod sa ospital ang may 120 batang estudyante matapos mahilo at mahimatay habang nagsasagawa ng fire at earthquake drill sa Cabuyao City, Laguna.
"It’s high time the April–May summer vacation is brought back," wika ni Gatchalian, na siyang chairman ng Senate committee on basic education sa press conference sa Senado.
“Kailangan ibalik 'yan sa dati. It’s time to bring it back, especially now that it's normal already,” wika ni Gatchalian.
"May logic ‘yan eh, kaya nilagay d'yan [in those months]. Two reasons: Number one, ang eleksyon natin is always summer. So people will go out to vote kasi pag tag-ulan people will not go out to vote. And then, pangalawa, summer kasi that’s the time students can go out, spend time with their families as opposed to tag-ulan. So, mas maganda na ibalik natin sa dating April, May ang summer vacation,” paliwanag ng senador.
Aminado si Gatchalian na mahabang proseso ang kakailanganin dahil sa magiging transition period sa sandaling bumalik sa pre-pandemic school calendar.
"It will take a little bit of time kasi slow transition ‘yan pero dapat ibalik na dahil ‘yan na ang naging kaugalian natin,” saad pa niya.
Matatandaang nagbukas ang kasalukuyang school year noong Agosto 22, 2022 at magtatapos sa Hulyo 7, 2023.
Samantala, sinabi ni Gatchalian na "nagulat" siya sa insidente sa Cabuyao, Laguna dahil may "very strict" protocols pagdating sa earthquake at fire drills ang Department of Education.
"Mag-ingat lang dahil napakainit ‘no at 'wag tayong gagawa ng mga bagay na malalagay sa delikado ang mga bata natin, dahil ‘yung mga ganitong init, hindi natin alam kung may mga ibang sakit pa ‘yung iba d’yan baka may mangyari," hirit ng senador.
Nabatid na nasa 2,000 estudyante mula sa Gulod National High School Extension sa Bgy. Mamatid ang nakiisa sa drill na isinagawa ng alas-3 ng hapon. Ang temperature noong naturang araw ay mula 36 hanggang 43 degrees Celcius.