top of page
Search

ni Madel Moratillo | April 27, 2023




Hiniling ng Public Attorney’s Office at Office of the Solicitor General sa Korte Suprema na repasuhin ang pagkakabasura sa kasong kriminal laban sa 2 dentista na tumangging bigyan ng serbisyo ang isang HIV patient.


Una rito, pinagtibay ng Court of Appeals ang desisyon ng Taguig City regional trial court na nag-grant sa petition for demurrer to evidence na inihain nina Dr. Sarah Jane Mugar at Dr. Mylene Igrubay.


Ito ay kaugnay ng reklamong isinampa ni Henry Se dahil sa paglabag sa Republic Act 8504 o ang Acquired Immune Deficiency Syndrome (AIDS) Prevention and Control Act of 1998 laban sa dalawa.


Nakasaad sa petisyon na bumisita umano si Se sa Enhanced Dental Clinic sa Taguig City noong Pebrero 16, 2017 para magpakonsulta dahil sa masakit na ngipin.


Pero matapos niyang sabihin na sumasailalim siya sa medical treatment para sa HIV, pinayuhan umano siya ni Mugar na kumuha muna ng clearance mula sa kanyang doktor.


Matapos makakuha ng clearance ay nagpapa-schedule na sana umano siya para sa pagpapabunot ng ngipin subalit na-reject umano siya sa kadahilanang wala umanong UV type desterilization equipment ang nasabing clinic.


Ang sabi sa kanya, batay na rin umano ito sa instruction ng may-ari na si Igrubay.


Sa petisyon, sinabi ng OSG na ang provision and standard pagdating sa oral health care services ng mga pasyente ay dapat na patas anuman ang kondisyon nito.


Sa kanilang panig, iginiit naman ng PAO na dapat igiit dito ang RA 8504.


Giit ng PAO, kahit may batas sa anti-discrimination sa bansa, malibang kilalanin at ipatupad ito ng estado ay hindi matitigil ang diskriminasyon.


Ayon sa OSG, nagkaroon ng grave abuse of discretion ang CA nang sabihin nitong bigo ang prosekusyon na mapatunayang guilty beyond reasonable doubt ang dalawa.


Ayon kasi sa CA, ang pagtanggi ng EDC ay dahil sa kawalan ng kinakailangang desterilization equipment pero ayon sa OSG na-establish naman na ang nasabing klinika ay may first class materials, sterilized dental instruments, at disposable dental supplies'.


Ayon pa sa PAO, dapat ay ini-refer umano ang pasyente sa ibang klinika kung wala sila ng nasabing equipment.


 
 

ni Madel Moratillo | April 26, 2023




Ibinasura ng Korte Suprema ang petisyong nagnanais na maharang ang implementasyon ng SIM Registration Act.


Sa pulong balitaan, sinabi ni Supreme Court spokesperson Atty. Brian Keith Hosaka na hindi pinagbigyan ng SC ang hirit na temporary restraining order (TRO).


Sa halip, inatasan lang ng SC ang mga respondent na maghain ng komento sa petisyon sa loob ng 10 araw.


Kabilang sa mga respondent sa kaso ang National Telecommunications Commission (NTC), Department of Information and Communications Technology (DICT), Department of Trade and Industry (DTI), Department of Interior and Local Government (DILG), at mga telco.


Sa inihaing petition for TRO, hiniling ng petitioners na ideklarang unconstitutional ang SIM Registration Law.


 
 

ni Lolet Abania | June 28, 2022



Nagkakaisang ibinasura ng Supreme Court (SC) ngayong Martes, ang mga petisyon para idiskwalipika at ikansela ang certificate of candidacy (COC) ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ng May 2022 elections.


May botong 13-0, ayon sa high court, nabatid na si Marcos ay qualified na tumakbo at mahalal sa public office. “Likewise, his COC, being valid and in accord with the pertinent law, was rightfully upheld by the Comelec (Commission on Elections),” pahayag ng SC sa isang press briefer.


Ayon sa SC, “Justice Henri Inting and Justice Antonio Kho did not take part in the deliberations as Inting’s sibling is incumbent Comelec Commissioner Socorro Inting while Kho is a former Comelec commissioner.”


Gayundin anila, ang member-in-charge ay si Justice Rodil Zalameda. Matatandaan na nais ng isang grupo ng mga petitioners na alisin si Marcos sa May 2022 presidential race dahil sa kabiguan nitong mag-file ng income tax returns (ITRs) mula 1982 hanggang 1985, kung saan anila ay katumbas ng moral turpitude at ground para sa disqualification, ang nagtungo sa Supreme Court noong Mayo matapos na ibinasura ng Comelec ang kanilang mga petisyon.


Isa pang grupo ng mga petitioners na binubuo ng mga Martial Law survivor ang naghain din ng isang petisyon na humihimok naman sa SC na ideklarang perpetually disqualified si Marcos mula sa public office at hindi maaaring tumakbo kahit pa sa pinakamababang elective position.


Gayunman, si Marcos na anak ng yumaong dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. ay pinalad na manalo noong May 2022 elections, kung saan nagkaroon ng mahigit na 31 milyong boto, habang nakatakdang manumpa bilang ika-17 pangulo ng Pilipinas sa Huwebes, Hunyo 30.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page