ni Lolet Abania | November 28, 2021
Isinuspinde pansamantala ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang pagpoproseso at deployment ng mga bagong hired na mga household service workers (HSWs) sa Kingdom of Saudi Arabia.
Sa ulat, ang kanilang mga deployments ay sinuspinde dahil sa nangyaring labor abuse incident, kung saan sangkot ang isang retiradong Saudi general na minamaltrato umano ang maraming overseas Filipino workers (OFWs) sa naturang teritoryo.
Ang iba’t ibang pangalan naman ng mga employer ay inilagay na rin sa employment contract ng HSWs.
Si DOLE Secretary Silvestre Bello III ang siyang nag-isyu ng nasabing memorandum habang inatasan na rin ang Philippine Overseas Labor Offices na ihinto muna ang beripikasyon ng mga newly-hired domestic workers.
Ayon pa sa report, ang domestic workers at skilled workers na nagre-renew ng contracts ay exempted sa ipinapatupad na deployment ban.