ni Lolet Abania | November 9, 2021
Nag-withdraw na si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio sa kanyang reelection bid para sa 2022 elections ngayong Martes.
Sa isang post sa Facebook, ayon kay Mayor Sara, papalitan siya ng kanyang kapatid na si incumbent Vice Mayor Sebastian “Baste” Duterte, habang ang abogadong si Melchor Quitain ang tatakbong vice mayor.
“Ngayong hapon wini-withdraw ko ang aking kandidatura sa pagka-Mayor ng Davao City. Si VM Baste ang papalit sa akin. Si Atty. Melchor Quitain ang nominado namin sa pagka-Bise Alkalde. Ito lamang po muna. Maraming salamat po,” ani anak ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Una nang nag-withdraw si Baste Duterte ngayong umaga sa kanya ring reelection bid.
Ilang grupo at personalidad na ang nagtutulak kay Sara na tumakbo sa pagka-pangulo sa susunod na eleksyon. Subalit, tinanggihan ito ni Sara at pinayuhan din silang huwag nang gumawa ng caravan para sa kanya.
Sa ilalim ng umiiral na elections rules, ang isang kandidato ay maaaring mapalitan sa panahon ng substitution period basta ang papalitan nito ay nasa pareho ring political party na kandidatong ipapalit.
Para sa 2022 elections, ang substitution period ay hanggang Nobyembre 15, 2021.