ni Angela Fernando @News | Nov. 22, 2024
Photo: VP Inday Sara Duterte
Tinanggihan ng House good government and public accountability panel nitong Biyernes ang inihirit ni Bise-Presidente Sara Duterte na samahan ang kanyang chief-of-staff na si Zuleika Lopez, sa detensyon hanggang Nobyembre 25 sa Batasang Pambansa Complex.
Binigyang-diin ni Joel Chua, chairman ng nasabing panel, na hindi maaaring payagan si Duterte na makulong kasama si Lopez dahil hindi siya ang tinutumbok ng detention order.
“Hindi po siya (VP Sara) allowed [samahan si Lopez] kasi hindi naman siya detainee,” paglilinaw ni Chua.
Gayunman, sinabi ni Chua na pinayagan ng House panel si Duterte na bisitahin si Lopez kagabi at ngayong araw.
Ayon naman kay House of Representatives (HOR) Sergeant at Arms Napoleon Taas, ang Bise Presidente ay lumabag sa mga alituntunin ng Kamara sa pamamagitan ng pagka-camping magdamag sa loob ng opisina ng kanyang kapatid na si Davao City Rep. Paolo Duterte, pagkatapos ng kanyang pagbisita kay Lopez kagabi.
Sinabi ni Taas na paulit-ulit na hiniling ng mga tauhan ng Kamara sa Bise Presidente at sa kanyang partido na umalis sa Batasang Pambansa, ngunit hindi ito nagtagumpay.
Samantala, nananatili pa rin ang Bise Presidente sa Batasang Pambansa ngayong araw.