ni Ronalyn Seminiano Reonico | January 19, 2021
Sinuspinde nang anim na buwan ng Office of the Ombudsman ang 89 barangay captains dahil sa umano'y anomalya sa distribusyon ng cash aid sa ilalim ng social amelioration program o SAP.
Sa ginanap na press briefing nu'ng Lunes nang gabi ay isa-isang pinangalanan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang 89 kapitan ng barangay.
"Itong mga barangay captain, I warned you, pag-umpisa pa lang sinabi ko, do not f*** with this Pantawid, iyong panahon ng COVID na namigay ang gobyerno ng pera para sa mahihirap.
Sinabi ko na lalo na sa barangay level, huwag na huwag ninyong gawin. Now, ito, suspendido for six months, then mag-hearing sa kaso mo. If a case is filed against you kasi pera ito, either pera na binulsa ninyo or hindi ninyo ginamit o ano mang kabulastugan na ginawa ninyo sa pera, contrary to my injunction na huwag na huwag ninyong gawin iyan.”
Mahigit P200 billion ang inilaan ng pamahalaan para sa social amelioration program sa ilalim ng Bayanihan to Heal As One Act (Bayanihan 1) para sa 18 million mamamayan ngayong panahon ng COVID-19 pandemic.
Sa ilalim naman ng Bayanihan to Recover As One Act (Bayanihan 2), aabot sa P5,000 hanggang P8,000 ang natanggap ng mga “low-income households” sa mga lugar na isinailalim sa lockdown, gayundin ang mga pinauwing overseas Filipino workers at mga nawalan ng trabaho.
Nais din ni P-Duterte na sibakin sa puwesto ang mga ito kapag napatunayang sangkot sa korupsiyon.
Aniya, “Ito, preventive lang ito, suspendido kapag iniimbestigahan ka, but at the end of the investigation, if you are good, then you are exonerated. But if you are guilty, I ask, I am asking, requesting, most respectfully requesting the Ombudsman to dismiss them from service...
When they are finally dismissed, it will always carry, it will be accompanied by the statement that they are no longer eligible for public office, iyan ang masakit diyan. Hindi ka na puwedeng tumakbo maski water boy sa barangay n’yo.”