ni Mary Gutierrez Almirañez | May 12, 2021
Hinuli at pinagmulta ang mga residenteng lumabag sa health protocols, partikular na ang mga walang suot na face mask at mga lumagpas sa curfew hours, batay sa isinagawang operasyon ng mga awtoridad sa ilang lugar sa NCR Plus.
Ayon sa ulat, inilunsad ang one time, big time operation sa Quezon City ngayong umaga, kung saan hindi pa matukoy kung ilang violators na ang mga nahuli at dinala sa Quezon Memorial Circle upang doon i-orient at isyuhan ng tiket.
Pinagmulta naman ng P300 hanggang P350 ang mga nahuli.
Samantala, mahigit 300 residente mula sa iba't ibang lugar sa San Pedro, Laguna ang dinampot ng mga pulis kagabi dahil sa paglabag sa curfew hours at city ordinance.
Kabilang dito ang 145 na residenteng walang suot na face mask at hindi tama ang pagsusuot, habang 155 naman ang residenteng hinuli dahil sa curfew hours.
Sa ngayon ay patuloy pa rin ang pag-iikot ng mga awtoridad sa bawat barangay upang matiyak na nasusunod ang ipinatutupad na health protocols laban sa COVID-19.