ni Lolet Abania | March 1, 2021
Nagpositibo sa isinagawang test para sa COVID-19 si San Juan City Mayor Francis Zamora. Sa isang Facebook post ngayong Lunes, ayon kay Zamora, siya ay asymptomatic at maayos naman ang kanyang kondisyon.
Sinabi rin ng alkalde na nasa Cardinal Santos Medical Center siya upang sumailalim sa quarantine.
Lumabas ang resulta ng test ni Zamora ngayong Lunes matapos sumailalim sa isang routine swab test nitong Linggo ng gabi.
“To everyone that I have come in contact with the past few days, kindly have yourself tested,” ani Zamora sa isang statement.
“We can arrange for a free RT-PCR swab test for you,” dagdag niya.
Iminungkahi naman ni Zamora sa mga naging close contact niya na makipag-ugnayan kay Dr. Rosalie Sto. Domingo, ang health officer ng lungsod, mula Lunes hanggang Biyernes, alas-8:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon sa COVID-19 Operations Center sa San Juan City Hall.
“I’m very sorry for the inconvenience. Please all stay safe,” saad ng mayor.