ni Ronalyn Seminiano Reonico | February 28, 2021
Nasunog ang isang commercial-residential building sa Greenhills, San Juan ngayong Linggo nang umaga.
Ayon sa ulat, nagsimula ang sunog bandang alas-9:45 AM kung saan naapektuhan ang ikalawang palapag ng Annapolis Tower sa Annapolis Street.
Itinaas ang second alarm sa insidente at gumamit ng aerial ladder ang mga bumbero at rescuers upang masagip ang mga residenteng na-trap sa six-storey building.
Bandang alas-10:50 AM nang ideklarang under control na ang apoy.
Kasalukuyan na ring nagsasagawa ng imbestigasyon ang Bureau of Fire Protection upang malaman ang dahilan ng sunog.
Dumating din si Mayor Francis Zamora sa insidente at aniya sa Facebook Live, “Sa mga minamahal ko pong San Juaneño, nandito po tayo sa Annapolis Street sa Greenhills.
“Kaka-declare lang po ng ating city fire marshall na fire out na po ang sunog dito kung kaya’t sinusuyod na lang ang ibang lugar upang siguruhin na maayos ang lahat. Pero nag-declare na po na fire out.”
Pinasalamatan din ni Zamora ang lahat ng mga rumesponde lalo na ang mga bumbero at rescuers.
Aniya, “Wala po tayong casualties kung kaya ako’y nagpapasalamat sa Diyos, wala pong nasaktan sa araw na ito rito po sa sunog sa Greenhills.”