ni Mylene Alfonso @News | August 15, 2023
Pinag-aaralan na umano ng pamahalaan ang muling pagtataas ng suweldo ng mga kawani ng gobyerno.
Ayon kay Budget Secretary Amenah Pangandaman, naglaan na sila ng P48 milyong budget ng governance commission for GOCCs.
Layunin umano nito na kumuha ng serbisyo ng mga eksperto o espesyalista na magsasagawa ng komprehensibong pag-aaral sa compensation at position classification system para sa sektor ng gobyerno.
Paliwanag pa ng kalihim, binigyan sila ng go signal ni Pangulong Bongbong Marcos para pag-aralan na ang lahat ng kompensasyon sa mga sibilyan na empleyado ng gobyerno na mas higit pa kumpara sa nagtatrabaho sa pribadong sektor.
Ito ay para mahikayat ang publiko na pumasok sa gobyerno at inaasahan na magsisilbi rin itong motivation sa mga kasalukuyang kawani ng pamahalaan na manatili sa bansa at maging masipag at maayos sa kanilang trabaho.
Mayroon din umanong katulad na pag-aaral silang isinagawa sa iba't ibang ranggo ng civil service servants para malaman kung kailangan na mai-adjust ang kanilang suweldo.
Malaki umano ang maitutulong ng anumang pagtaas sa suweldo ng mga kawani ng gobyerno para makatulong sa pang araw araw nilang pamumuhay.
Naunang naipatupad nitong Enero ang huling yugto ng umento sa suweldo ng mga kawani ng gobyerno sa ilalim ng salary standardization law of 2019.