ni Angela Fernando @Business News | July 4, 2024
Aprub sa Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI), ang pinakamalaking grupo ng negosyo sa bansa, ang pagtaas ng P35 sa arawang minimum na sahod ng mga manggagawa sa mga pribadong sektor sa National Capital Region (NCR).
Binigyang-diin ni PCCI Pres. Enunina Mangio na mahigpit na susundin ng mga employer ang bagong minimum na sahod na mula P610 hanggang P645 na inaprubahan din ng Regional Tripartite and Productivity Wage Boards ng NCR.
“It’s a decision made by the wage board, we will respect and follow that. On the part of PCCI, we will monitor and evaluate its impact on our micro and small enterprises that we consider the backbone of our economy,” saad ni Mangio.
Dagdag pa ng PCCI chief, makatwiran naman ang P35 na taas-sahod kumpara sa naunang iminungkahing P100. Samantala, nagpaalala rin si Mangio na mahalagang isaalang-alang ang epekto ng pagtaas ng minimum na sahod sa mga negosyo na mapipilitang mag-adjust sa mas mataas na gastos sa paggawa.