ni Lolet Abania | June 17, 2021
Pinag-aaralan ng Commission on Higher Education (CHED) na mabigyan ng “safety seal” certifications ang mga kolehiyo at unibersidad na nagsasagawa ng limitadong in-person classes habang may pandemya.
Ayon kay CHED Chairman Prospero “Popoy” De Vera, ang nasabing sertipiko ang magsisilbing patunay na ang eskuwelahan ay ligtas at sumusunod sa itinatakdang health protocols.
“Pinag-uusapan po namin sa commission iyan. Gagawa tayo ng safety seal, na lahat ng eskuwelahan na papayagang mag-face-to-face, puwedeng lagyan noon,” ani De Vera sa isang press conference ngayong Huwebes.
“Kailangang gumawa tayo ng mas detalyadong guidelines for joint monitoring by CHED and ng local governments para alam nating siguradong iyong standards are being met,” dagdag ni De Vera.
Nag-iisyu na ang gobyerno ng mga safety seals sa mga malls at iba pang establisimyento para tiyakin sa mga customers na ang kanilang kumpanya ay nakakasunod sa public health standards laban sa pagkalat ng COVID-19.
Gayundin, si Quezon City Mayor Joy Belmonte na dumalo sa press conference ay sumasang-ayon sa proposal ni De Vera.
“Kaisa ninyo kami (city government) sa pagpapaspas ng pag-iinspeksiyon ng ating mga paaralan at sisiguruhin po natin na compliant lahat ng schools bago po tayo magbukas,” ani Belmonte.
Samantala, hinimok na rin ni De Vera ang mga kolehiyo at unibersidad na simulan ang retrofitting ng kanilang pasilidad bilang paghahanda sa limitadong face-to-face classes sa ibang degree programs.
Sa ngayon, pinayagan ng gobyerno ang medical at allied health programs na magsagawa ng limited in-person instruction dahil nangangailangan ito ng on-site training.
Ayon kay De Vera, kinukumpleto na rin ng CHED ang mga datos hinggil sa safety ng mga estudyante ng medical at allied health habang isinasagawa nila ang face-to-face instruction, kung saan magiging basehan ito kung maaari nang palawigin sa ibang degree programs ang pagkakaroon ng physical classes.