ni Mai Ancheta | June 26, 2023
Lima katao ang nasawi kabilang na ang isang tauhan ng Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF) habang 14 ang nasugatan matapos magkasagupa ang mga tauhan ng dating bise alkalde sa Maimbung, Sulu at mga operatiba ng PNP at
Armed Forces of the Philippines (AFP) nitong Sabado.
Ayon kay Maimbung Municipal Police Station OIC Chief Captain Naljir Asiri, apat sa mga tauhan ni dating Maimbung Vice Mayor Pando Mudjasan ang nasawi at isang miyembro ng PNP-SAF, habang 12 pulis at sundalo ang nasugatan at kasamang nadamay ang dalawang sibilyan matapos maipit sa bakbakan.
Sisilbihan sana ng warrant of arrest ang dating bise alkalde na wanted umano sa mga kasong pagpatay sa Barangay Bualo Lipid, subalit agad na nagpaputok ang kanyang mga tauhan.
Sinabi ni Capt. Asiri na bina-validate pa nila ang ulat na may mga nasugatang tauhan si Mudjasan subalit tumakas ang mga ito kasama ang wanted na dating bise alkalde.
Kabilang sa mga nakaengkwentro ng mga suspek ay pinagsamang puwersa ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group Region 9, PNP-SAF at 41st Infantry Battalion.
Dahil sa insidente ay napilitang lumikas ang mga residente sa takot na madamay at maipit sa bakbakan.
Sinabi ni Asiri na humuhupa na ang tensyon at unti-unting nagbalikan na ang mga residente.