ni Ryan Sison - @Boses | September 10, 2021
Sa kabila ng pagpapatuloy ng mahigpit na quarantine status, tuloy din ang national vaccination program kontra COVID-19.
Sa National Capital Region (NCR), mahigit na sa kalahati ng target na populasyon sa rehiyon ang nakakumpleto ng bakuna kontra COVID-19. Ayon kay vaccine czar Carlito Galvez Jr., nasa limang milyong residente o 52.3% na ang nakakumpleto ng bakuna, habang nasa 81.72% o mahigit walong milyong residente ang nakatanggap ng first dose.
Base sa ulat ng National Task Force on COVID-19 at Department of Health (DOH) noong Setyembre, aabot na sa 35,838,964 doses ng bakuna kontra COVID-19 ang naipamahagi sa bansa. Sa naturang bilang, nasa 15 milyon na ang nakakumpleto ng dalawang dose o maituturing na bakunado.
Target ng gobyerno na maabot ang “population protection” sa Metro Manila at karatig-lalawigan upang mas mapasigla ang ekonomiya sa pamamagitan ng pagbubukas ng mas maraming negosyo.
Kung tutuusin, good news ito para sa mga residente ng NCR dahil ibig sabihin, marami nang tao ang may proteksiyon laban sa malalang epekto ng virus. ‘Yun nga lang, hindi natin dapat makalimutan ang ating mga kababayan sa iba pang panig ng bansa.
Matatandaang, nagkakaroon na rin ng pagtaas ng COVID-19 cases sa mga probinsiya, at kamakailan lang ay kinumpirma ng World Health Organization (WHO) ang pagkakaroon ng community transmission ng Delta variant.
Samantala, bagama’t tumataas na ang bilang ng bakunado sa NCR, ‘di naman ito nangangahulugang relaks na tayo. Dapat kasabay nito ang malawakang pag-iingat sa lahat ng pagkakataon.
‘Ika nga, hindi lamang bakuna ang tutuldok sa pandemya. Nangangailangan din ito ng kooperasyon ng milyun-milyon nating kababayan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com