ni Ryan Sison - @Boses | September 13, 2021
Pagod dahil sa napakaraming COVID-19 patients ang hinihinalang dahilan ng pagbitiw sa trabaho ng ilang nurses sa Philippine General Hospital (PGH).
Una rito, hindi na pumirma ng kontrata ang 11 doktor na kinuha ng Department of Health (DOH) para sa PGH nang mapaso ang kontrata. Gayunman, may natitira pang 11 doktor mula sa DOH na nakatalaga sa naturang ospital.
Pag-amin ng tagapagsalita ng ospital, labis na makakaapekto ang pagkawala ng mga doktor at nurses sa pagtrato nila sa mga pasyente dahil nasa 65% hanggang 75% ng mga ito ang severe at nasa kritikal na kalagayan.
Noong Biyernes ng umaga, puno pa rin ang lahat ng COVID-19 beds sa PGH maliban sa isang OB bed. Habang mayroon pang anim na COVID patients na nananatili sa Emergency Room at isolation room na naghihintay ng bakanteng higaan.
Hindi natin masisisi ang mga health workers dahil sa totoo lang, nakalulungkot na napilitang umalis na lang ang ilan sa kanila dahil sa pagod at dami ng pasyenteng kailangang tugunan.
Sana lang ay maging wake-up call ito sa mga nakatataas na hindi biro ang pagod at sakripisyo ng ating medical frontliners. Literal na buwis-buhay sila magmula nang pumutok ang pandemya para mailigtas ang napakaraming buhay ng ating mga kababayan.
At kung tutuusin, ilan lang ang nawala sa puwesto pero maraming pasyente ang apektado.
Kaya panawagan sa mga kinauukulan, pahalagahan at alagaan ang ating magigiting na health workers bago pa mahuli ang lahat.
Kapag naubos ang mga tao sa kanilang hanay, paano na ang laban kontra pandemya?
Tiyak na malaking problema ito ‘pag nagkataon kaya dapat ngayon pa lang ay galaw-galaw na tayo.
Totoo na hindi natin kontrolado ang pagkalat ng virus, pero baka naman may paraan para mabawasan ang hirap at problema ng ating health workers.
‘Ika nga, hindi madali ang kasalukuyang sitwasyon para sa lahat, pero plis lang, ‘wag nating isnabin ang hinaing ng mga nasa frontline.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com