ni Ryan Sison - @Boses | October 04, 2021
Matatandaang sa nakalipas na buwan, naging punuan ang mga COVID-19 ward at critical care units sa mga ospital sa National Capital Region (NCR), partikular sa Taguig at Quezon City.
Gayundin, karamihan ng health workers ang sumailalim sa iba’t ibang antas ng quarantine dahil sa exposure sa COVID-19 patients.
Dahil dito, umapela ng tulong ang mga natitirang medical frontliners dahil hindi na nila kinakaya ang haba ng oras ng duty at sandamakmak na mga pasyente.
Kaugnay nito, plantsado na ang pagpapadala ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ng military medical teams sa mga ospital sa NCR.
Ayon kay AFP Surgeon General Colonel Fatima Claire Navarro, base sa pakikipag-usap nila sa Department of Health (DOH), nurses ang karamihan sa hinihingi ng mga ospital.
Gayundin, naghahanda na ang AFP ng dalawang teams, kung saan ang bawat isa ay binubuo ng isang military doctor at limang military nurse. At kung maaprubahan ang Memorandum of Agreement (MOA) ngayong araw, ang unang deployment ng medical teams ng AFP ay sa St. Luke’s Medical Center.
Samantala, ang bawat team ay isasailalim sa RT-PCR test bago i-deploy at sakaling magnegatibo ang resulta, 14-araw silang naka-duty sa ospital na susundan ng 14-araw na quarantine period.
Tatagal ng isang buwan ang deployment kasama ang quarantine period, at subject ito sa extension o reallocation ng DOH depende na rin sa kanilang evaluation.
Kung mas mabilis na made-deploy ang medical teams sa NCR, mas maganda dahil kung tutuusin, kailangang-kailangan na ng tulong ng ating health workers.
Sana lang, magtuluy-tuloy sa serbisyo ang mga ide-deploy na military medical teams dahil malaking tulong ito, hindi lamang sa health workers kundi maging sa mga pasyente.
Gayundin, hangad nating makabalik na sa serbisyo ang mga medical frontliners na sumailalim sa quarantine upang mas maraming pasyente pa ang mabigyan ng kaukulang tulong.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com