ni Ryan Sison - @Boses | April 12, 2021
Naging parte na ng buhay ng marami sa atin ang paggamit ng delivery applications, partikular sa mga pagkain.
Magandang opsiyon kasi ito upang hindi na lumabas at makipagsabayan sa bugso ng mga tao, gayundin upang makapaghanapbuhay ang mga delivery riders.
Pero ‘ika nga, hindi palaging oks ang sitwasyon dahil may mga pagkakataon ding nabibiktima ang delivery riders o ‘yung tinawag na “fake booking”.
Kamakailan, sunud-sunod ang mga insidente ng fake booking sa delivery apps kung saan ginagamit ang “identity” o pagkakakilanlan ng biktima na hindi naman umo-order o nagpapa-deliver.
Dahil dito, pinakikilos ng isang mambabatas ang National Bureau of Investigation (NBI) kaugnay sa mga naiulat na karahasan at fake bookings sa mga delivery riders.
Kasabay nito, umapela rin ang mambabatas sa National Privacy Commission (NPC) at Department of Information and Communication Technology (DICT) na makipagtulungan sa imbestigasyon ng NBI, lalo na pagdating sa kanilang technical expertise.
Kung tutuusin, bago pa magkaroon ng pandemya ay marami nang ganitong insidente, at sa totoo lang, matagal na itong pinaaaksiyunan sa mga awtoridad.
Ngunit sa kabila ng pagre-report, pagbibigay paalala at babala, tila walang kadala-dala ang ilan nating kababayan at sige pa rin sa pang-aabala ng mga naghahanapbuhay.
Nakadidismaya at nakalulungkot isiping sa halip na mawala ang ganitong gawain, parang lalo pang lumala kung kailan maraming delivery riders ang nakikipagsapalaran para lang makapaghanapbuhay.
Kaya pakiusap sa mga kinauukulan, galaw-galaw dahil hindi puwedeng maulit nang maulit ang mga ganitong insidente. Dapat may managot dahil hindi biro ang sakripisyo ng ating delivery riders para patuloy na makapagserbisyo sa kabila ng banta ng COVID-19.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com