ni Ryan Sison - @Boses | April 26, 2021
Napakalaking hamon para sa ating lahat ang maipagpatuloy ang edukasyon ng mga mag-aaral sa gitna ng pandemya.
Mula sa paraan ng pagtuturo, iba’t ibang set-up ng bahay hanggang sa dami ng natututunan ng mga bata, hindi ito naging madali para sa mga guro, estudyante at maging sa mga magulang.
Kaya sa mga unang buwan ng distance learning, hindi maitatangging napakaraming aberya, dagdag pa ang pangamba na hindi makasabay ang ilang mag-aaral.
Kamakailan ay matatandaang lumabas sa survey na nawawalan na ng gana ang mga mag-aaral sa distance learning dahil pakaunti na nang pakaunti ang uma-attend sa klase, gayundin ang mga nagpapasa ng modules.
Samantala, pinatututukan ng mambabatas sa Department of Education (DepEd) ang kalidad ng distance learning sa bansa.
Ito ay matapos lumabas sa pinakahuling survey ng Pulse Asia na wala pang kalahati sa bilang ng mga magulang o guardians ang nagsabing natututo ang kanilang mga anak o inaalagaan na nag-aaral sa basic education.
Sa survey ng Pulse Asia sa mga magulang mula Pebrero 22 hanggang Marso 3, mahigit sa 63% sa 1,200 sinurvey ang may anak o inaalagaan sa basic education.
Lumabas na wala pang 46% sa mga magulang o guardians ang nagsabing natututo ang kanilang mga anak o inaalagaan. Samantala, 25% o isa sa apat ang nagsabing hindi natututo ang kanilang mga anak. Habang tatlo sa 10 o 30% ang hindi matukoy kung natututo ang kanilang mga anak o hindi.
Giit ng mambabatas, ipinakikita ng resulta ng survey na hindi maganda ang kalidad ng distance learning sa gitna ng pandemya. Gayundin, nakakaimpluwensiya aniya ang edukasyon ng mga magulang at guardian sa mga hamong kinahaharap sa distance learning.
Sa totoo lang, hindi nakapagtataka na ganito ang resulta ng distance learning sa kabila ng pagsisikap ng pamahalaan at mga guro na maitaguyod ang distance learning.
Iba’t iba ang kakayahan ng bawat bata, gayundin ang kapasidad ng mga magulang na magturo.
Marami sa kanila ang kailangang magtrabaho para mairaos ang bawat araw, kaya malamang na hindi talaga matututukan ang pag-aaral ng anak.
Kaya pakiusap sa mga opisyal ng sektor ng edukasyon, pag-aralang mabuti kung talagang epektibo ang sistema ng pagtuturo dahil kung ipapasa na lang nang ipapasa ang mag-aaral nang walang natututunan, malaking problema ito pagdating ng panahon.
Maraming bagay na dapat ikonsidera at silipin dahil hindi dapat bumaba ang kalidad ng edukasyon sa bansa.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com