ni Ryan Sison - @Boses | April 29, 2021
“Magbigay para sa kalinisan ng kapaligiran, kumuha ayon sa nakalaan.”
Ito ang kataga sa isang barangay sa Mandaluyong City kung saan may kapalit na ayuda ang basurang naiipon ng mga residente sa tinaguriang “community palit-basura”.
Bitbit ang mabibigat na sakong naglalaman ng mga wrapper at plastic sachet, nagtungo ang daan-daang residente sa Andres Bonifacio Integrated School upang mapalitan ng ayuda ang mga dalang basura. Ang iba naman ay nagdala ng dose-dosenang litro ng bote ng softdrink na sinuksukan din ng mga plastic.
Ayon sa ilang residente, pinagtutulungan nila ang pag-iipon sa mga plastic, kaya pati ang ayuda ay pinaghahatian.
Gayunman, aabot sa tig-sampung kilo ang timbang na puwedeng ipagpalit ng mga residente kung saan kasama sa mga ayudang ibinibigay ay kilo ng bigas, mga gulay at ilan pang pagkain mula sa barangay at donasyon.
Ayon sa punong barangay, layon ng proyekto na mabawasan ang naiipong basura mula sa Addition Hills nang may insentibo rin sa mga residente dahil tinatayang libu-libong tonelada ng plastic ang itinatapon sa kanila, lalo’t sila pa ang pinakamalaking barangay sa lungsod.
Noong 2019 pa inilunsad ang proyektong ito, at ipinatupad din nang mag-lockdown noong nakaraang taon para makatulong sa pagkabagot ng mga residente.
Bagama’t may sariling community pantry ang barangay, pansamantala itong isinara para sa palit-basura project.
Nakatutuwang mayroong mga ganitong proyekto kung saan hindi lamang mga residente ang nakikinabang kundi maging ang kalikasan. ‘Ika nga, win-win ang hakbang na ito.
Ngayong tutok ang lahat sa pandemya, marami sa atin ang dedma na sa ibang mga problema gaya ng tambak na basura.
Hangad nating magsilbi itong inspirasyon sa iba pang komunidad upang magpatupad ng mga hakbang na mapakikinabangan ng mas nakararami.
Pero siyempre, kailangang iprayoridad ang ating mamamayan, kaya pakiusap sa mga kinauukulan, kasabay ng pagiging malikhain ay ang kasiguraduhan na matutugunan ang pangangailangan ng taumbayan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com