ni Ryan Sison - @Boses | May 03, 2021
Dedma na sa health protocols.
Ito ang problema ngayon ng gobyerno matapos makatanggap ng ulat na may mga nabakunahan kontra COVID-19 na hindi na sumusunod sa mga kinakailangang pag-iingat.
Kaya naman, agad na umapela si Health Secretary Francisco Duque III sa mga naturukan ng COVID-19 vaccine na sumunod pa rin sa mga ipinatutupad na health protocols.
Paliwanag ng kalihim, magiging ligtas lamang sa severe conditions ang mga nabakunahan, ngunit hindi pa ganap na makakaiwas sa virus at maaari ring makahawa.
Sa totoo lang, ito ang problema sa ating mga ‘Pinoy. Porke naturukan at alam na malaking bagay ito para makaiwas sa malalang kondisyon, feeling safe na sa virus.
Tulad nga ng sinabi ng kalihim, hindi pa rin garantisadong ligtas sa virus ang mga naturukan, kaya utang na loob, pakitatak ito sa inyong mga kukote.
Samantala, para mapasunod pa rin ang mga naturukan kontra virus, hiling nating magkaroon pa rin ng malawakang information drive, hindi lamang upang mahikayat ang taumbayan na magpabakuna, kundi upang matukoy ang mga dapat at hindi dapat gawin matapos maturukan.
Kaya paalala sa bawat isa — nabakunahan man o hindi — patuloy na sumunod sa mga umiiral na health protocols. Magsuot ng facemask at face shield, tamang social distancing at madalas na pag-sanitize ng mga kamay kapag nasa labas ng bahay.
Mukhang mahaba-haba pa ang ating laban kontra pandemya, kaya habang patuloy itong tinutugunan ng pamahalaan, gawin natin ang ating obligasyon bilang mamamayan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com