ni Ryan Sison - @Boses | May 06, 2021
Kahit anong paalala at babala ng lokal at nasyunal na pamahalaan, hangga’t may pasaway ay hindi mahihinto ang mga ipinagbabawal na gawain habang umiiral ang modified enhanced community quarantine (MECQ) sa NCR Plus bubble.
Kabilang na nga rito ang pagbubukas ng mga resort. Bagay na nilabag ng isang resort sa Calamba, Laguna, kamakailan.
Ayon sa Calamba City Public Order and Safety (POSO), huli sa aktong tumanggap ng mga bisita ang naturang resort kahit bawal pa. Sa pamamagitan ng drone video ng Calamba POSO, kita ang lawak ng resort at dalawang bata na nasa loob ng compound.
Bagama’t hindi itinanggi ng may-ari ng resort na hindi niya kamag-anak ang 20 guests na taga-Parañaque City, nagpalusot pa itong hindi alam na bawal.
Kamakailan, sinubukan ng resort na bigyan ng P5, 000 ang mga tauhan ng POSO para hindi sila hulihin habang may tanggap na bisita pero hindi ito umubra. Ang ending, tiniketan ang resort dahil sa paglabag, gayundin mahaharap sa sanction mula sa city hall.
Hindi na bago ang mga paglabag habang umiiral ang MECQ, pero sa totoo lang, nakadidismaya dahil sa halip na harapin ang parusa ay magpapalusot pa.
Kapag nahuli, maging responsable at ‘wag magmaang-maangan pagdating sa mga umiiral na batas. Ang hirap kasi sa atin, huli na sa akto, pilit pang ilulusot para makaiwas sa responsibilidad.
Panawagan sa mga kinauukulan, ‘wag tayong tumigil magparusa sa mga lumalabag na negosyante. Isa pa, ‘wag magpapasilaw sa pera dahil kung ang bawat paglabag ay dadaanin sa ‘pampadulas’, lalo lang darami ang magpapasaway.
Bagama’t nauunawaan nating gusto ring kumita ng ilang negosyo habang may pandemya, hindi tama na umabot sa puntong may paglabag na magaganap. Tandaan, kailangan pa rin nating iprayoridad ang kaligtasan ng bawat isa.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com