ni Ryan Sison - @Boses | May 10, 2021
Matapos umakyat ng essential workers sa A4 category ng priority list mula sa B5, pinamamadali ng isang mambabatas ang pamahalaan at business owners ang pagbabakuna sa mga manggagawa.
Paliwanag ng mambabatas, mas matatag na proteksiyon laban sa COVID-19 ang bakuna kumpara sa pamimigay ng ayuda. Gayundin, kung ang lahat umano ng empleyado ay mababakunahan, tiyak na maibabalik ang operasyon ng mga kumpanyang nagsara at pagbabalik-trabaho ng mga manggagawang natigil sa hanapbuhay dahil sa pandemya.
Sa pamamagitan ng mabilis na vaccination rollout sa mga workers, hindi lamang aniya ang mga manggagawa ang maililigtas kundi pati ang kanilang trabaho at pamilya. Bukod pa rito, mabubuksan na muli ang ekonomiya ng bansa.
Totoo na hindi lamang manggagawa ang makikinabang sa mabilis na pagbabakuna dahil kung magkakaroon sila ng sapat na proteksiyon kontra COVID-19, tuluy-tuloy din ang paggalaw ng ekonomiya. Kumbaga, win-win ang resulta.
Sa totoo lang, hindi puwedeng umasa lang sa ayuda ang mga manggagawang apektado ng pandemya dahil ‘ika nga, ‘di naman forever ang ayuda.
Kaya sa halip na umasa lamang dito, mas mabuting matiyak na makapagtatrabaho nang ligtas ang mga manggagawa at walang pangamba sa malubhang epekto ng sakit.
Kaya panawagan sa mga kinauukulan — gobyerno at negosyante man — galaw-galaw para sa ating mga manggagawa. Maraming makikinabang dito kaya dapat lang na bilisan ang pagkilos para sa kaligtasan ng mga empleyado, gayundin para sa pag-usad ng ekonomiya.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com