ni Ryan Sison - @Boses | May 13, 2021
Talagang walang pinipiling tao at pagkakataon ang aksidente.
At madalas, sa kalsada ito nangyayari kung saan ang kadalasang sangkot ay motorista.
Pero paano kung ang drayber na sangkot ay may karamdaman pala?
Kaugnay nito, nahati ang katawan ng isang siklista sa Meycauayan, Bulacan matapos masagasaan ng isang AUV, kung saan bukod sa biktima, may apat pang rider na nasugatan.
Habang nasa kustodiya na ng pulisya ang driver ng AUV, na isang dating barangay captain, sinabi nitong umatake ang kanyang epilepsy habang nagmamaneho at handa itong mabayad ng danyos sa mga biktima.
Samantala, sa San Jose del Monte City, Bulacan naman, dalawa ang nasawi at marami ang sugatan nang araruhin ng dump truck ang pila ng mga kukuha ng ayudang pinansiyal sa lungsod.
Nangyari ang aksidente matapos atakihin sa puso ang 57-anyos na drayber ng trak, na empleyado ng city hall.
Sa totoo lang, nakalulungkot dahil may mga ganitong insidente, na sana’y naiwasan kung nasa maayos na kondisyon ang drayber. Bagama’t aksidente at wala namang may gusto ng nangyari, hindi puwedeng hayaan na lang dahil dapat nating matiyak na hindi na ito mauulit.
Panawagan sa mga kinauukulan, sa pagkuha ng lisensiya, tingnan at suriin din ang medical history ng aplikante. Hindi ‘yung marunong lang humawak ng manibela, solb na.
Isa pa, kapag may karamdaman, hindi na dapat payagang magmaneho. Bukod sa puwede silang mapahamak, malalagay din sa peligro ang iba pa nating kababayan tulad ng nangyari sa mga naturang insidente.
At kayong mga naghahangad magka-lisensiya, tandaan na ang pagmamaneho ay hindi lamang pribilehiyo dahil kapalit nito ay responsibilidad, hindi lamang sa inyong sarili kundi maging sa inyong kapwa motorista.
Bago sumabak sa biyahe, tiyaking nasa kondisyon ang inyong katawan dahil kung hindi, malamang na hindi lang kayo ang mapahamak dahil posible rin kayong makapandamay.
Hangad nating magsilbi itong aral at paalala sa lahat na napalaking responsibilidad ng pagkakaroon ng lisensiya. Kaya upang hindi na maulit ang ganitong insidente, siguro nga, dapat lang na taasan pa ang pamantayan sa pagkuha ng lisensiya para makapagmaneho.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com