ni Ryan Sison - @Boses | May 21, 2021
Sa kabila ng babala ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga lokal na opisyal na sila ang mananagot ‘pag nagkaroon ng pagdiriwang ng pista sa kanilang nasasakupan, mayroon pa ring naganap na selebrasyon kamakailan.
Kaugnay nito, pinaiimbestigahan na ni Parañaque City Mayor Edwin Olivarez ang naganap na pagdiriwang ng kapistahan sa Baclaran noong Lunes, upang matukoy ang mga sangkot sa mass gathering sa naturang piyesta.
Ang imbestigasyon ay kasunod ng pagkalat ng ng video ng ilang kabataang sumali sa palaro nang hindi nakasuot ng facemask.
Makikita sa video ang mga menor-de-edad na magkakadikit ang mga mukha, habang ang mga nanonood ay hindi nakasuot ng facemask at walang social distancing.
Samantala, ayon sa mga awtoridad, masasampahan ng kasong paglabag sa Article 151 ng Revised Penal Code for disobedience to person in authority in relation to Executive Order 35, at sa city ordinances and executive orders ng lungsod ang mga matutukoy sa nasabing paglabag.
Giit ng barangay chairman, wala silang natanggap na ulat hinggil sa nakunan ng video at nag-ikot naman aniya sa mga lugar ang ilang opisyal ng barangay at nagpaalala na walang gagawing pagtitipun-tipon at mga aktibidad para sa kapistahan.
Habang iniimbestigahan ang insidente, hangad nating ‘wag nang maulit ito.
Matagal nang ipinagbabawal ang mass gathering dahil sa pandemya, kaya utang na loob, ‘wag n’yo nang hintaying magmakaawa pa ang mga awtoridad para lang sumunod kayo.
Hindi lang ito ang naiulat na mass gathering sa mga nakalipas na araw dahil matatandaang nagkaroon din ng “street boxing” sa Tondo, Maynila kung saan nasa edad 16 hanggang 18 ang mga lumahok at maraming nanood.
Nakadidismaya dahil kaluluwag lang ng quarantine restrictions, pero heto at sunud-sunod pa ang mga naiuulat na pagpapasaway ng ilan nating kababayan.
Panawagan sa mga awtoridad, ‘wag nang patagalin ang imbestigasyon para malaman kung sino ang mga dapat managot. Kasunod nito, tiyaking matutunton ang mga nasa video upang maisailalim sa testing at monitoring.
Isa pa, kung mapatutunayang may kapabayaan ang mga lokal na opisyal, tiyaking mapapanagot ang mga ito upang magtanda.
Sa panahon ngayon, kailangan natin ng gawa at hindi lang puro babala. Hindi tayo dapat makampante dahil nar’yan pa rin ang virus sa paligid.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com