ni Ryan Sison - @Boses | June 12, 2021
Ngayong tag-ulan, kani-kanyang diskarte ang mga ahensiya ng gobyerno at ilang lokal na pamahalaan para maiwasan ang pagbaha na dulot ng malalakas na ulan.
Kaya naman naglunsad ng proyekto ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) kung saan maaaring ipagpalit ng mga residente ang kanilang basura para sa grocery items.
Layon nitong matugunan ang problema sa basura sa Metro Manila, na maaaring maging sanhi ng pagbaha ngayong panahon ng tag-ulan.
Sa ilalim ng proyekto, puwedeng ipalit ng mga residente ang kanilang mga basura tulad ng bote at diyaryo para sa essential goods tulad ng de-lata, bigas at noodles.
Ang siste, ang mga tauhan ng barangay mismo ang pupunta sa mga bahay at iko-convert ang basurang ibibigay nila sa points, na siyang ipambibili ng mga produkto. Pagkatapos nito, magtatakda ng schedule ang barangay para sa pagpapalit ng basura at may passbook din ng grocery points na ibibigay sa mga residente.
Bukod pa rito, magsasagawa rin ng seminar ang ahensiya para ituro ang tamang composting na makatutulong din sa waste management ng mga lokal na pamahalaan.
Ngayong umpisa na ang tag-ulan, simula na rin ng kalbaryo na dala ng mga pagbaha sa iba’t ibang lugar. At ang isa ngang rason ng baha ay ang mga basura, kaya naman masasabing napapanahon ang proyektong ito para maiwasan ang pagbaha.
Isa pa, sa halip na ibalagbag ng mga residente ang basura, mas magiging responsable ang mga ito. Bukod sa mga mapananatili ang kalinisan ng kapaligiran, may makukuha pa silang grocery items na malaking pakinabang upang maibsan ang gutom. Kumbaga, win-win ang hakbang na ito dahil hindi lamang kalikasan ang makikinabang dahil ang mamamayan ay ganundin.
Kung tutuusin, matagal nang problema ang basura sa bansa, pero dahil kulang tayo sa diskarte upang madisiplina ang taumbayan, hirap tayong solusyunan ito.
Hangad nating makatulong ang proyektong ito upang mas maging disiplinado ang bawat isa at tuluyan nang matuldukan ang problema sa basura.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com