ni Ryan Sison - @Boses | June 23, 2021
Maaaring mabakunahan ang sinumang Pilipino sa kahit saang parte ng bansa, basta nakapagparehistro sila sa lokal na pamahalaan.
Ito ang tiniyak ng Department of Health (DOH) upang maiwasan ang ‘walk-in’ at hindi maging sanhi ng pagsisiksikan sa mga vaccination sites.
Halimbawa, ang isang Metro Manila resident na puwede nang mabakunahan ay pumunta sa Davao, mababakunahan umano ito.
Dagdag pa ng DOH, bahagi ito ng ‘no wrong door policy’ na kanilang ipinatutupad kung saan hindi nila isinasara ang pinto sa lahat ng mga nais magpabakuna kahit hindi sila residente ng lugar na kanilang kinaroroonan.
Gayunman, hindi inirerekomenda ng DOH sa LGUs na tumanggap ng walk-in applicants dahil maaari itong magresulta ng pagsisiksikan ng mga tao at posibleng pagkalat ng virus.
Makabubuti umanong magparehistro muna sa lokal na pamahalaan ang mga nais mapabakuna bago pumunta sa vaccination centers nang sa gayun ay tiyak na malalaanan ng kanilang dose at maging maayos ang sistema.
Ngayong dumarami na ang mga nais magpabakuna kontra COVID-19, good news ito dahil hindi na magiging pahirapan ang pagpapabakuna. Isa pa, kung maiiwasan din ang siksikan sa mga vaccination centers na tumatanggap ng walk-in, mas mabuti.
Panawagan lang sa mga kinauukulan, dapat matiyak na magiging maayos ang sistemang ito at hindi magkakaroon ng kalituhan.
Samantala, paalala sa mga nais magpabakuna, tiyaking rehistrado bago pumunta sa vaccination centers. Tandaan na may limitadong doses ng bakuna na nakalaan kada araw kaya hangga’t maaari, iwasan nating mag-walk-in para iwas-siksikan at hindi sayang sa oras.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com