ni Ryan Sison - @Boses | June 26, 2021
Mala-piyestang paghahain ng kandidatura ang nakasanayan nating eksena tuwing nalalapit ang eleksiyon.
Ngunit ngayong may pandemya, ipagbabawal ng Commission on Elections (Comelec) ang pagbibitbit ng mga tao sa pagsusumite ng certificate of candidacy (COC) ng mga nais lumahok sa halalan 2022.
Ayon sa tagapagsalita ng Comelec, lilimitahan sa dalawa o tatlo ang kasama ng kakandidato na papasok sa mga Comelec office upang maiwasan ang mass gathering at maging mabilis ang proseso.
Gayundin, maghihigpit ang Comelec sa mga kawani ng media na magko-cover at maglalabas ng mga panuntunan tungkol dito.
Samantala, pinag-aaralan na ng Comelec kung maaaring magkaroon ng online filing ng COC sa kabila ng pag-amin na inaayos pa nila ang isyu dahil batay sa batas, dapat personal ang pagpa-file ng COC. Gayunman, bukas ang ilang mambabatas na pag-aralan ang bagong sistema at amyendahan ang batas.
Dapat lang namang iwasan ang mala-piyestang ganap sa paghahain ng kandidatura dahil sa totoo lang ay wa’ ‘wenta ‘to, lalo na ngayong iniiwasan natin ang mass gathering.
Tutal, hindi pa naman kampanya at paghahain pa lang ng kandidatura, simplehan lang muna natin.
Malayo man sa nakasanayan na sandamakmak na supporter at media ang nakaabang sa mga nais kumandidato, ngayon, kumalma muna tayo.
Kung pilit nating sinasabi sa taumbayan na umiwas sa mga pagtitipon dahil puwede itong maging sanhi ng hawaan, dapat tayong mga nagnanais na maging lider ay ganundin.
‘Ika nga, kung talagang nais mong magsilbi sa bayan, hindi na kailangang maging pabonggahan sa mga ganitong bagay dahil ang dapat bongga at pinaghahandaan ay ang maayos de-kalidad na serbisyo sa bayan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com