ni Ryan Sison - @Boses | July 05, 2021
Kasunod ng pagkakabuking sa panibagong modus na Sinovac vaccines for sale kamakailan ang babala sa publiko na bibili at magbebenta ng mga bakuna.
Ayon kay Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III, pananagutin ang nagbebenta ng COVID-19 vaccines dahil nakokompromiso nito ang vaccination program ng pamahalaan.
Gayundin, kinuwestiyon ng kalihim kung paano nagawang itago ng mga nagbebenta ang mga bakuna na nangangailangan nang matinding pag-iingat, lalo na sa storage nito. Kasabay nito ang paalala na hindi ipinagbibili ang anumang bakuna laban sa COVID-19.
Samantala, nagbabala rin ang pamunuan ng Philippine National Police (PNP) laban sa mga nagbebenta ng bakuna na kakasuhan at parurusahan ang mga ito. Gayunman, nilinaw ng PNP na maging ang bumibili nito ay mahaharap din sa kaso.
Nanawagan din ang pamunuan ng PNP sa publiko na kung may impormasyon sa mga taong sangkot sa pagbebenta at pagbili ng bakuna ay agad na ipagbigay-alam sa kanila.
Matatandaang naaresto ng NBI sa isang operasyon ang isang registered nurse sa isang ospital ng Maynila kasama ang dalawa na nagbebenta ng Sinovac vaccine.
Maraming nagulat at nadismaya sa ganitong kalakaran sa gitna ng pandemya dahil maraming mamamayan na naghihintay na mabakunahan nang libre, pero pinagkakakitaan na pala ng iba.
Kaya naman, hangad nating maging sapat ang paalala at babala ng mga kinauukulan upang hindi na maulit ang ganitong insidente. At kapag nagkahulihan, pasensiyahan na lang.
Samantala, paalala sa taumbayan, iwasang mag-entertain ng mga nagbebenta dahil muli, walang bakuna na ipinagbibili. Sa nasyunal na pamaalaan lamang manggagaling ang mga bakuna at ipinadadaan sa mga local government units (LGUs).
Panawagan naman natin sa mga awtoridad, ‘wag tumigil manghuli at magparusa sa mga nananamantala. Kung kinakailangan, patawan ng mas mabigat na parusa ang mga mahuhuli para magtanda at hindi na tularan
Tandaan, hangga’t may masasamang-loob na hindi naparurusahan, mauulit at mauulit lang ang kanilang pananamantala.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com