ni Ryan Sison - @Boses | July 08, 2021
Kung ikinatuwa ng ilan nating kababayan ang pagluluwag ng travel protocols, iba naman ang opinyon ng ilang lokal na pamahalaan hinggil dito.
Matapos ianunsiyo ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF) na maaari nang gamitin ng mga “fully vaccinated” ang kanilang vaccination card para hindi na sumailalim sa COVID-19 test sa pagbiyahe, umalma ang ilang lokal na pamahalaan.
Ayon kay Quirino Governor Dakila Cua, pangulo ng Union of Local Authorities of the Philippines (ULAP), hindi sila nakonsulta sa pagpapatupad ng bagong protocol. Gayundin, hindi malinaw kung paano ito ipatutupad at wala ring inilatag na sistema sa pag-verify sa vaccination card.
Tulad ni Cua, may agam-agam din si Marinduque Governor Presbitero Velasco, president ng League of Provinces of the Philippines sa bagong patakaran.
Paliwanag nito, may kapangyarihan ang mga lokal na pamahalaan na magpatupad ng sarili nilang panuntunan. Maaari pa rin umanong igiit ng LGU na magkaroon ng antigen testing sa mga papasok sa probinisya, lalo pa’t mataas ang household infection rate roon.
Samantala, ipinauubaya naman ng Department of Tourism (DOT) sa mga LGU ang pagpapasya kung papayagan ang paggamit ng vaccination cards o RT-PCR tests.
Bagama’t marami ang natuwa sa pagluluwag ng protocols, kung hindi naman sang-ayon o maraming agam-agam ang mga lokal na pamahalaan, isip-isip muna tayo.
Nauunawaan natin ang layunin na maibangon ang ekonomiya, partikular ang sektor ng turismo, pero tulad ng paulit-ulit nating sinasabi, dapat matiyak na ligtas ang mga hakbang na nais nating gawin.
Sa sitwasyong ito, makikita ang kawalan ng koordinasyon sa mga lokal na pamahalaan, kaya nakadidismaya kung mababalewala ang kanilang mga pagsisikap para mapanatiling ligtas ang kanilang nasasakupan.
Malamang na LGUs ang sasalo ng problema kapag nagkaroon ng hawaan sa kanilang nasasakupan, kaya pakiusap sa mga kinauukulan, maging maingat sa mga nais ipinatutupad.
Kung sapat naman ang nasimulang panuntunan sa pagbiyahe, rito muna magpokus at saka magluwag kung mas mabuti na ang sitwasyon at naikonsulta sa mga kinauukulan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com