ni Ryan Sison - @Boses | July 19, 2021
Upang mahikayat ang mga biyahero na ituloy ang kanilang travel plans, nanawagan ang Department of Tourism (DOT) ng mas mababang price cap sa mga COVID-19 tests.
Ayon kay Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat, masyadong mahal ang RT-PCR test na nagkakahalagang P5, 000 para sa mga biyaherong budget-conscious. Dagdag pa nito, mabigat ang P5, 000, lalo na sa malalaking pamilya na babiyahe nang magkakasama.
Gayunman, naniniwala ang kalihim na sisigla ulit ang economic activities at mabubuhay ang industriya kung sakaling mabawasan ang presyo ng RT-PCR test.
Hindi lamang aniya biyahero ang matutulungan nito kundi maging ang mga local government units (LGUs) dahil lalong matitiyak na masusunod ang kanilang test requirements.
Sa totoo lang, magandang mungkahi ito para mas sumigla ang industriya ng turismo. Pero tanong, kaya pa bang ibaba ang presyo nito?
Isa pa, kabilang sa mga dahilan kaya naging talamak ang pamemeke ng RT-PCR test result ay dahil mahal ang magpa-swab test. Kaya kung mabababaan pa ang presyo nito, malaking tulong din dahil masisigurado na lehitimo ang mga dokumentong ipipresinta ng mga biyahero. Kumbaga, win-win sa mga turista at LGUs.
Gayunman, oras na maipatupad ito, hangad nating tuluyan nang matigil ang pamemeke ng naturang dokumento. Hindi lang kaligtasan ng mga residente sa probinsiya ang naaapektuhan kundi maging ang mga negosyong nagsasara kapag mayroong hawaan sa isang lugar o tourist spot.
Tandaan na hindi dapat makompromiso o maisakripisyo ang kaligtasan ng iba pa nating kababayan habang sinisikap nating ibangon ang turismo at ekonomiya.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com