ni Ryan Sison - @Boses | July 22, 2021
Malaking bahagi ng ating laban kontra COVID-19 ang mga contact tracers.
Sila ang tumutunton sa mga close contact ng COVID-19 positive at suspected patients, bagay na hindi madaling gawin, lalo na kung kailangan itong gawin nang mabilis at limitado lamang ang contact tracers na naka-deploy sa iisang lugar.
Gayunman, sa susunod na buwan, karamihan sa kontrata ng contact tracers ang nakatakdang magtapos, kaya naman hiniling ng Metro Manila mayors na palawigin pa ang mga kontrata ng mga ito.
Naniniwala ang mga opisyal na malaki ang naitulong 5,775 contact tracers sa pagbaba ng mga bagong kaso ng COVID-19 sa Metro Manila kada araw.
Gayunman, hanggang Agosto 15 na lang ang contact tracers ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na pumapalo sa 15,000 nationwide kung saan 2,381 ang naka-deploy sa Metro Manila.
Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, bagama’t limitado na ang pondo ng Department of Labor and Employment (DOLE), pipilitin nitong maglaan ng P200 milyon na pondo para sa 2 buwang kontrata ng contact tracers.
Dahil ubos na ang pondong nakuha ng DILG sa Bayanihan 2, ganundin ang sariling pondo, humihingi ang kagawaran ng P1.7 bilyon sa Office of the President para palawigin ang kontrata ng contact tracers hanggang Disyembre 2021.
Nakita natin ang kahalagahan ng pagkakaroon ng contact tracers habang kinahaharap ang pandemya.
At kung bigla na lang silang mababawasan o tuluyang mawawala dahil sa kawalan ng pondo, malaking hamon ito, lalo pa’t may binabantayan tayong Delta variant, na pinaniniwalaang mas mabagsik.
Kaya panawagan sa pamahalaan, galaw-galaw para mapanatili ang bilang ng ating contact tracers. Hindi puwedeng mabawasan ang contact tracers na bahagi ng maraming aspeto ng COVID-19 response.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com