ni Ryan Sison - @Boses | August 02, 2021
Upang ligtas na makapagbakuna ng mamamayan laban sa COVID-19, pabor ang Department of Health (DOH) sa pagsasagawa ng house-to-house vaccination habang naka-enhanced community quarantine (ECQ) ang National Capital Region (NCR) mula Agosto 6 hanggang Agosto 20, 2021.
Ayon kay DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire, makatutulong din ang house-to-house vaccination para masigurong bakunado ang mga komunidad.
Dagdag pa ng opisyal, mas ligtas ito dahil may mga tao na lamang na iikot at magbabahay-bahay sa halip na sila pa ang pumunta sa vaccination sites at pumila. Sa ganitong paraan, maiiwasan ang pagkukumpul-kumpol ng mga tao.
Gayundin, isinusulong ng ahensiya ang pagkakaroon ng iba pang ligtas na paraan sa pagbabakuna tulad ng pag-iskedyul ng bakuna at pagkakaroon ng mas malalaking vaccination sites upang matiyak na mayroong physical distancing.
Kung maisusulong ang house-to-house vaccination sa kabila ng mahigpit na quarantine restriction, malaking tulong ito sa target ng Metro Manila mayors na makapagbakuna ng 250, 000 katao kada araw sa rehiyon.
Nakatutuwa na may mangilan-ngilang tayong solusyon sa kasalukuyang problema na pinalala pa ng panibagong lockdown. ‘Yun nga lang, dapat ding matiyak na may sapat na proteksiyon laban sa virus ang mga taong mag-iikot para magbakuna.
Sa ilang araw na natitira bago muling isailalim sa ECQ ang Metro Manila, pag-aralang mabuti kung paano magkakaroon ng maayos na sistema ang planong house-to-house vaccination. Kung tutuusin, dalawang lingo lamang ito, ngunit kung matitiyak na magiging matiwasay at walang aberya ang pagbabakuna, malaking bagay ito sa national vaccination program.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com