ni Ryan Sison - @Boses | August 07, 2021
Sa ikatlong pagkakataon ng pagpapatupad ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa Metro Manila, muling nag-aalala ang marami nating kababayan kung saan kukuha ng pang-araw-araw na pangangailangan.
Ibig sabihin, wala na namang hanapbuhay at asa na lang ulit sa anumang tulong na maiaabot ng gobyerno tulad ng tulong-pinansiyal.
Gayunman, upang patuloy na makapaghatid ng tulong sa higit na nangangailangan, nakatakdang magsagawa ng rolling pantry at house-to-house distribution ng ayuda ang mga community pantry na tumutulong sa mga pamilyang apektado ng lockdown.
Ayon kay Ana Patricia Non, organizer ng unang community pantry sa Quezon City, nagkaroon ng meeting ang community pantry organizers at magkakaroon ng ilang pagbabago upang mas maipamahagi nang ligtas ang mga ayuda, gayundin, para makaiwas sa Delta variant. Aniya, magkakaroon ng rolling pantry, house-to-house distribution at ang ibang community pantry ay tututok sa mga pamilyang naka-quarantine.
Sa kabila ng ilang pagbabago sa community pantry, binigyang-linaw ni Non na hindi sila magpapapila ng mga tao upang makakuha ng ayuda.
Bukod sa pagbabahay-bahay, puwede ring i-drop off ng mga nais mag-donate ang kanilang donasyon na ire-repack ng volunteers saka ihahatid sa mahihirap na pamilya.
Sa kabila ng pagsisikap ng nasyunal at lokal na pamahalaan na maitawid ang tulong sa mga pamilyang higit na apektado ng panibagong lockdown, nakatutuwa na todo-kilos din ang ilan nating kababayan para makatulong sa kapwa.
At kung matutuloy ang mga pagbabagong ito, malaking tulong para sa mga residenteng wala talagang mapagkukunan ng kanilang pangangailangan.
Ngunit kasabay ng layuning makapagpaabot ng tulong, hindi dapat mawala ang mga karagdagang pag-iingat. Kung kinakailangan, makipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan para magkaroon ng sapat na alalay at maiwasan ang anumang aberya.
Tandaan na kung nais nating makatulong sa pamamagitan ng paghahatid ng pangunahing pangangailangan, hindi dapat makompromiso ang kanilang kaligtasan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com