ni Ryan Sison - @Boses | August 10, 2021
Dahil sa mga ulat na siksikan ang mga komyuter sa pampublikong sasakyan at hindi nasusunod ang 50% kapasidad ng mga pasahero, nagbigay-babala ang Philippine National Police (PNP) na sasampolan ang mga drayber na lalabag .
Ayon kay PNP Chief P/Gen. Guillermo Eleazar pagsasabihan ng kapulisan ang mga driver na sumunod sa safety and health protocols sa gitna ng matinding banta ng Delta variant at pagpapatupad ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa Metro Manila.
Dagdag pa ng opisyal, bagama’t bukas ang pampublikong transportasyon sa kabila ng ECQ, dapat pa ring sumunod sa panuntunan ang mga driver at huwag maging pasaway.
Ani Eleazar, dapat manaig ang kooperasyon ng bawat isa at sumunod sa mga alituntunin para hindi na kumalat pa ang Delta variant.
Sa totoo lang, hindi lang drayber ng pampublikong transportasyon ang dapat sampolan. Kung may mga pribadong sasakyan na puno, sitahin din ang mga ito dahil kung may parehong health protocols ang pribado at pampublikong sasakyan, dapat managot ang lahat ng dapat managot.
Samantala, hindi lamang ang mga tsuper ang responsable rito dahil tayong mga pasahero ay dapat magkusang sumunod sa health protocols. ‘Pag nakitang wala nang pagitan ang mga nakasakay sa PUV, ‘wag nang makipagsiksikan.
Minsan, hindi na napapansin ng drayber ang bilang ng sumasakay at bumababa, kaya plis lang, tulungan din natin silang ‘wag lumabag.
Sa kabilang banda, ‘yung iba ay napipilitang sumuway dahil anila, sayang ang kikitain. Gayunman, paalala lang, tulad ninyo, ang mga komyuter na ito ay kumakayod din, kaya hindi dapat malagay sa panganib ang kanilang kalusugan.
Pare-pareho lang tayong naghahanapbuhay sa gitna ng pandemya, kaya plis lang, ikonsidera natin ang isa’t isa.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com