ni Ryan Sison - @Boses | August 21, 2021
Dahil sa COVID-19 pandemic at upang maging mas madali ang mga transaksiyon, mas marami tayong kababayang gumagamit ng e-wallet at bank account.
Sa ganitong paraan kasi, ilang pindot o click lang, maaari ka nang makapagpadala ng pera o makapagbayad ng bills nang hindi lumalabas ng tahanan, kumbaga, maginhawa para sa lahat.
Pero paano kung ang kapalit pala ng kaginhawaang ito ay ginhawa rin para sa mga kawatan?
Kaugnay nito, kapansin-pansing tumaas ang krimen sa cyberspace sa mga pinansiyal na transaksiyon gamit ang bank accounts at e-wallets sa panahon ng pandemya.
Giit ng isang mambabatas, tumaas ang kaso ng phishing o pagnanakaw ng bank o data accounts at cash mules o mga indibidwal na tumanggap, nag-acquire o naglipat ng ninakaw na mga salapi mula sa phishing o iba pang uri ng cybercrime.
Dahil dito, sinimulan nang talakayin at repasuhin ng House Committee on Banks and Financial Intermediaries ang House Bill 9615 o ang Bank Account at E-Wallet Regulation Act upang magpataw ng mas mabigat na parusa sa ganitong uri ng ilegal na gawain.
Sa totoo lang, nakalulungkot isipin na ang bahagyang ginhawa na dulot ng teknolohiya ay may kaakibat na panganib sa krimen.
Ang nakababahala pa, parami nang parami ang nabibiktima at hindi basta-bastang halaga ang nalilimas ng mga kawatan.
Totoo na pati ang mga kawatan ay high-tech na. Ang masaklap pa, naging mas madali ang pagtangay ng pera dahil ilang click lang, tapos na ang krimen.
Kaya naman, panawagan sa mga kinauukulan, sana lang ay matugunan din ang mga gawaing ito at dapat matiyak ang ligtas ang cyberspace sa lahat ng pagkakataon, lalo na ngayong may malaki itong pakinabang sa ating kasalukuyan sitwasyon.
At kayong mga kawatan d’yan, hintay-hintay lang dahil may kalalagyan din kayo.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com