ni Ryan Sison - @Boses | September 03, 2021
Sa patuloy na pagsusulong ng mga negsosyante na magpatupad ng ‘bakuna bubble’, kung saan magkakaroon ng prebilehiyo ang mga indibidwal na fully vaccinated na makapasok sa ilang establisimyento at transportasyon, mayroong ibang opinyon ang mga eksperto at gobyerno.
Kaugnay nito, tutol ang World Health Organization (WHO) at Department of Health (DOH) sa isinusulong na ‘bakuna bubble’.
Ayon sa WHO, kalaunan ay sasabog ang “bubble” dahil hindi garantisadong ligtas sa COVID-19 ang mga bakunadong indibidwal. Kaya sa halip na ipatupad ito, hinimok ng mga eksperto ang gobyerno na palakasin ang pagbabakuna ng mga senior citizen at mga taong may comorbidity.
Gayunman, tutol din ang DOH sa bakuna bubble dahil magkakaroon pa rin ng dine-in sa mga restoran na hindi mairerekomenda, lalo’t nariyan ang banta ng mas nakahahawang Delta variant.
Matatandaang sa ilalim ng panukala na naunang pinaboran ng mga negosyante, papayagang makapasok ang mga baknado sa mga restoran, salon at gym at bigyan din sila ng hiwalay na transportasyon.
Kung tutuusin, hindi lamang ang mga kinauukulan ang tutol sa panukalang ito dahil ang taumbayan ay ganundin.
Giit nila, maituturing itong diskriminasyon, lalo pa’t napakarami pang hindi nababakunahan at pahirapan ang pagpapabakuna sa ilang lugar.
Isa pa, hindi naman sila ang dahilan kaya marami pang hindi bakunado, kaya tulad ng palagi nating sinasabi, hindi dapat magdusa ang taumbayan sa kakulangan ng bakuna.
Bagama’t nauunawaan nating napakarami nang negosyo na nalugi dahil sa pandemya, at marami ring nagsisikap na makabawi kahit kaunti, pero ang problema, maraming dapat ikonsidera upang mapanatiling ligtas ang lahat, lalo na ang mga kustomer.
Bakunado man o hindi, lahat tayo ay nahaharap sa banta ng COVID-19. Kaya pakiusap sa lahat, ‘wag nang ipilit ang ganitong mga panukala kung hindi talaga uubra. Baka kasi sa halip na makatulong sa mga negosyo ay pagmulan pa ng ibang problema.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com