ni Ryan Sison - @Boses | September 06, 2021
Patuloy na pagdami ng pasyenteng nagpopositibo sa COVID-19 at mga pasyenteng namamatay sa labas ng emergency room habang naghihintay na ma-admit.
Ilan lang ‘yan sa kasalukuyang nangyayari habang patuloy na hinaharap ng bansa ang COVID-19 pandemic.
Kaugnay nito, kamakailan ay nagpahayag ng pagkadismaya ang isang medical group hinggil sa paraan ng pagresponde ng gobyerno sa pandemya.
Giit ng eksperto, may mga sitwasyon sa ilang ospital sa Laguna at Cebu kung saan kinakailangan nang mamili ng health workers kung sinong mga pasyente ang puwedeng gumamit ng respirator, bagay na labag sa kalooban nila dahil lahat ng pasyente ay nais nilang maisalba.
Dahil sa mga nangyayari sa bansa, iginiit din nitong ito na ang ‘wake up call’ sa gobyerno, lalo pa’t patuloy ang pagkalat ng Delta variant ng COVID-19, na mas nakahahawa at agresibo.
Matatandaan ding kamakailan ay kinumpirma ng WHO na mayroon nang community transmission ng naturang variant.
Babala pa ng eksperto, kung hindi magkakaroon ng pagbabago sa pagtugon ng gobyerno sa pandemya, posibleng bumagsak ang health care system sa bansa, tulad ng nangyari sa India sa kabila ng pagkakaroon ng Delta surge.
Isa pa, pinuna rin nito ang intensive care unit (ICU) utilization rate at occupancy rate sa Department of Health (DOH) bulletin. Aniya, hindi tugma ang datos sa nakikita ng mga tao at ang talagang nangyayari sa mga pagamutan.
Base sa DOH, 72% ng ICU beds sa bansa ang okupado, habang 71% naman ng ward beds ang ginagamit ng pasyente.
Tulad ng palagi nating sinasabi, hindi lamang laban ng gobyerno ang kinakaharap nating pandemya dahil laban din ito ng frontliners. Kaya naman pakiusap lang, pakinggan natin ang mga suhestiyon at opinyon ng eksperto.
Kung nais nating makapagbigay ng de-kalidad na serbisyo sa publiko, dapat nating seryosohin ang babala ng mga eksperto.
Ngayong nakita natin ang kahalagahan ng health care system, kailangan itong pangalagaan para sa ikabubuti ng lahat.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com