ni Ryan Sison @Boses | Dec. 4, 2024
Isa sa mga inaabangan ng maraming manggagawa kapag holiday season, bukod sa 13th month pay at bonus, ay ang makatanggap sila ng mga overtime pay.
Kaya naman naglabas na ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng pay guidelines para sa holidays bilang paalala sa mga employer at manggagawa sa pribadong sektor hinggil tamang sahod para sa December 8, 24, 25, 30, at 31.
Batay sa Labor Advisory No. 14, ang mga empleyado na magre-report sa duty at kanilang trabaho sa December 8, Feast of the Immaculate Concepcion; December 24, Christmas Eve, at December 31, huling araw ng taon, lahat ito ay itinuturing na special non-working holidays kaya naman dapat silang bayaran alinsunod sa ipinatutupad na mga panuntunan ng kagawaran.
At para sa mga manggagawa na magtatrabaho sa regular holidays sa December 25, Pasko, at December 30, Rizal Day, ay nararapat din naman silang bayaran sa kanilang overtime.
Tama lamang ang ginawang ito ng kinauukulan na mag-isyu nang maaga ng pay guidelines hinggil sa mga overtime para sa lahat ng employees.
Ito rin kasi ang pinakahihintay ng mga masisipag at dedicated nating mga kababayang manggagawa na magkaroon ng dagdag sa kanilang mga take home pay dahil sa maraming holiday na kanilang ipapasok, sa kabila na dapat ay kasama nila ang buong pamilya.
Kumbaga, sakripisyo ang gagawing ito ng bawat empleyado na sa halip na makasalo ang mga kamag-anak sa mga reunion at makapagpahinga ng kaunti ay nakatutok pa rin sa kanyang trabaho.
Kaya sa mga kababayang employer at mga boss ng kumpanya ay huwag naman sanang kalimutan itong ibigay sa inyong mga empleyado, nang sa gayon ay mas sipagin pa sila sa pagtatrabaho.
At kung kakayanin, sana ay maibigay na rin ng maaga ang kanilang mga bonus para mas maging masaya rin ang kanilang Kapaskuhan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com