ni Ryan Sison @Boses | Dec. 10, 2024
Dapat na sigurong magbaon ng maraming pasensya bago umalis ng bahay at pumasok ng maaga dahil tiyak na nakakatakot ang trapik na kakaharapin.
Mas mabigat na trapik na kasi ang susuungin ngayon kapag bumagtas na sa Epifanio Delos Santos Avenue (EDSA). Ito ay dahil ang volume ng mga sasakyan na dumaraan sa naturang highway ng Metro Manila ay tumaas sa 464,000 araw-araw, na halos doble sa kapasidad ng EDSA na 250,000 na mga sasakyan.
Ayon kay Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Romando Artes, ang bulto ng mga sasakyang bumibiyahe sa EDSA ay tuwing alas-6 hanggang alas-9 ng umaga at alas-4 hanggang alas-9 ng gabi na rush hours.
Aniya, ang naturang bilang ay maaaring tumaas pa itong buong linggo dahil sa payday weekend habang marami ang mga mamimili ng mga pangregalo bago mag-Pasko.
Panawagan ng MMDA chairman sa mga mamamayan na planuhin mabuti ang kanilang pagbiyahe lalo na ngayong weekend dahil sa matinding trapik na siguradong mararanasan.
Ang araw-araw na dami ng mga sasakyan sa EDSA, na nag-uugnay sa north at south district ng kabisera, ay lumampas na sa kapasidad ng naturang highway mula pa noong 2012.
Binigyang-diin naman ng opisyal na matindi rin ang kini-create na trapik kapag nag-mall wide sale at napakaraming malls na nasa EDSA, C5 na major thoroughfares na kapag nabarahan ay nagiging cause ng major traffic. Subalit aniya, hindi nila ipinagbabawal ang sale, huwag lamang mall wide dahil pag-mall wide, ito ay dinudumog ng napakaraming tao.
Marahil, kailangan na maghanap na lamang ng mga alternatibong ruta ng ating mga kababayan kaysa magdusa sa trapik sa pagbagtas sa EDSA. Mabuting iwasan natin na dumaan sa naturang highway kung may dala tayong sasakyan.
Nag-extend na rin naman ang operasyon ng LRT-1, 2 at MRT-3, kaya maaari na ring mag-commute sa pagpasok natin sa trabaho o sa eskwela.
Isa pa na puwede nating gawin ay mag-book sa mga ride-hailing services o motorcycle taxis para mabilis-bilis din ang ating biyahe.
Kumbaga, tamang diskarte lang ang kailangan para hindi tayo maperhuwisyo sa trapik.
Sa kinauukulan, mag-isip sana ng magandang paraan para talagang maresolbahan ang mabigat na trapik na nararanasan hindi lang sa EDSA kundi sa iba pang lugar, lalo na sa Kamaynilaan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com