ni Ryan Sison @Boses | Nov. 12, 2024
Dapat sigurong maghanda na ng ating gobyerno para sa posibleng pagbabago sa mga polisiya ng United States sa ilalim ng administrasyon ni President-elect Donald Trump.
Ito ang panawagan ni Senadora Imee Marcos, partikular aniya na kailangang paghandaan ang mga maaaring makaapekto sa immigration, defense at geopolitical interests.
Binigyang-diin ni Sen. Imee ang pangangailangang maprotektahan ang humigit-kumulang 200,000 undocumented Filipinos sa Amerika na nanganganib sa potensyal na mass deportations sa pamamagitan ng pagpapalawak ng mga reintegration program, kabilang ang skills training, livelihood support, at direct assistance para sa mga deportees mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Labor and Employment (DOLE) at Department of Foreign Affairs (DFA).
Aniya, kailangan ng plano para sa mga naturang pamilya na maaaring mapilitang umuwi sa ating bansa.
Ganito rin ang naging pahayag ni Senate President Francis “Chiz” Escudero, kung saan sinabi niyang si Donald Trump ay isang pangunahing macroeconomic assumption, mula sa trade hanggang sa security hanggang sa immigration. Kung ano ang sinabi niyang planong gawin, ang ilan sa unang araw ng kanyang administrasyon, ay tiyak na makakaapekto naman sa atin.
At kung itutuloy ni Trump ang kanyang deklarasyon na magsagawa ng mass deportations, ayon kay Senate President Chiz, maaaring maapektuhan ang tinatayang 300,000 Pinoy sa US.
Ipinaliwanag pa ng senador na mangangailangan ng napakaraming malalaking eroplano para mailabas ang 1 porsyento ng mga kababayan natin mula sa Amerika.
Batay sa datos na nakalap ng GMA Integrated News ay nagpapakita na mayroong 4,640,313 Pinoy sa US noong nakaraang taon, ayon ito sa latest figures ng US Census Bureau.
Habang maaga pa at kakaupo ni Trump, kailangang umaksyon na ang pamahalaan para ma-secure ang mga kababayan natin sa Amerika, palakasin ang ating depensa at tiyaking preparado tayo para sa anumang pandaigdigang pagbabago.
Kumbaga, kumilos na ngayon para hindi tayo nagkukumahog sa maaaring maging bagong polisiya ng US.
Alalahanin sana natin na malaking bansa ang Amerika at itinuturing na isa rin sa mga mayayamang bansa sa buong mundo, at anumang patakaran na ibababa nito sa ilalim ng pamamahala kanilang bagong pangulo ay tiyak naman na labis tayong maapektuhan, kaya kailangang maghanda na tayo bago pa mahuli ang lahat.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com