ni Ryan Sison @Boses | Nov. 2, 2024
Kapag dumarating ang ganitong panahon, marami sa atin na kadalasang inilalagay sa mga puntod ng mga mahal sa buhay ay sari-saring mga bulaklak na sasamahan ng makukulay na mga kandila, pero ngayon tila kakaiba ang makikita dahil kakaunti lamang ang mga may bitbit nito.
Naging matumal kasi ang bentahan ng iba’t ibang klase ng bulaklak, hindi tulad ng mga nakaraan na bisperas pa lamang ay halos wala nang mabili ang mga kababayan.
Ang malakas na pag-ulan at labis na suplay ay nagpababa ng mga presyo ng bulaklak sa Baguio City bago pa lamang ang Undas, kung saan ang mga local vendor ay nahihirapang ibenta ang kanilang mga stock dahil nananatili ring kakaunti ang mga kostumer.
Apaw-apaw ang mga flower stall dahil hindi madala ang karamihan sa suplay ng bulaklak sa mga rehiyon tulad sa Bicol at Metro Manila sanhi ng masamang panahon.
Isa sa mga flower vendor ang nagsabing marami ang suplay, oversupply, pero kakaunti naman ang namimili.
Gayunman, dahil sa 24-oras na ang operasyon ng mga flower stalls sa Baguio City, umaasa ang mga vendor na tataas naman ang kanilang benta.
Nagsagawa na rin ng pag-iikot ang Department of Trade and Industry (DTI)-Benguet para i-monitor ang mga presyo ng bulaklak. Ayon kay Ralph Altiyen, consumer protection supervisor ng DTI Baguio-Benguet, ginagawa nila ito para matiyak na magiging makatwiran ang presyo ng mga bulaklak.
Anang kagawaran, ang Malaysian mums ay ibinebenta ng P200 kada bundle, ang Anthuriums ay nasa P250 hanggang P500 kada dosena, ang Radus na P200 kada bundle, at Asters, P75 kada bundle, habang ang mga rose ay nananatiling stable sa P30 hanggang P35 kada tangkay.
Sa Dangwa, Manila, marami pa rin ang mga namimili ng bulaklak subalit hindi kagaya noong mga nakaraang Undas na puno ang mga kalsada at wala nang malakaran.
Ang sinasabing dahilan ng mga flower vendor ay karamihan sa mga umaangkat sa kanila ng mga bulaklak na mula sa mga probinsya ay hindi na lumuwas pa dahil marami sa mga ito ang labis na naapektuhan ng bagyo.
Ilang mamimili naman roon ang inaasahang tataas ang presyo ng mga bulaklak subalit lumalabas na mas mababa ang presyo nito kumpara noong mga nakaraang Undas, kaya naman pagkakataon na rin para sa mga re-seller na bumili at itinda ang mga bulaklak sa kanilang flower shop sa ibang lugar.
Malaki talaga ang naging epekto ng nakalipas na mga bagyo sa ating mga kababayan.
Ultimo mga nag-aangkat para ibenta sa kanilang lugar at bumibili ng mga bulaklak ay kumonti na lamang kahit pa sabihing nananatili ang presyo o stable, o kaya naman ay mababa ang presyo ng mga ito.
Marahil, naisip ng mga kababayan na magtipid na muna, na sa halip na bumili ng bulaklak ay pagkain na lamang para sa kanilang pamilya.
Kumbaga, ipagdasal na lang ang mga yumaong kamag-anak at magtirik ng kandila dahil tiyak na naiintindihan din nila ito.
Ang mahalaga ay naalaala natin sila at binigyan ng panahon, habang lagi mananatili sa ating puso at isip ang kanilang pagmamahal.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com